SILIPIN: Paggawa ng mga cake na mistulang lollipop ang hitsura

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 03:19 PM

Para sa mga taong may "sweet tooth" o mahilig sa matatamis na pagkain, maaaring tikman ang isa sa mga uri ng cake na may nakakaaliw na hitsura — ang cake pop.

Ang cake pop ay pinagsamang "cake" at "lollipop" dahil sa hitsura nito, na maliit at kadalasang pabilog na hugis ng cake na nakatusok sa stick o paper straw.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa unang tingin ay mapagkakamalan talagang matigas na lollipop ang cake pop pero kapag kinagat ay mararamdaman ang lambot nito.

Sa programang "Matanglawin," ibinahagi ng baker na si Ana Segarra ang paraan ng paggawa ng cake pop.

Magsisimula umano ito sa pag-bake ng cake. Sunod ay palalamigin muna ang cake kasi lalamasin ito hanggang sa magkaroon ng "dough-like consistency."

Kapag naging "dough consistency" na, maaari nang hubugin nang pabilog ang cake at muling palalamigin.

Matapos palamigin, itutusok ang cake ball sa stick o paper straw bago isawsaw sa chocolate coating at lagyan ng iba-ibang design.

Kabilang sa mga ginagamit ni Segarra sa pagdisenyo ng cake pops ay candy sprinkles at icing.

Ang cake pop ay inimbento ng Amerikanang si Angie Dudley noong Pebrero 2008.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.