RECIPE: Homemade Kimchi

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 03:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang kimchi sa mga putaheng hindi nawawala sa hapag kapag pagkain mula Korea, na kinahihiligan ngayon ng maraming Pinoy, ang pinag-uusapan.

Ang kimchi ay side dish na gawa sa mga binurong gulay, gaya ng pechay at labanos. Isinasama ito sa halos lahat ng pagkaing Koreano.

Sa programang "Salamat Dok," ibinahagi ng chef na si Joy Escobar ang paraan ng paggawa ng kimchi mula sa mga lokal na sangkap.

Narito ang mga sangkap na kakailanganin:

  • Labanos
  • Pechay Baguio
  • Pipino
  • Sibuyas
  • Bawang
  • Luya
  • Asin
  • Asukal
  • Red pepper powder

Umpisahan ang paggawa ng kimchi sa pamamagitan ng paghihiwa at paglinis sa Pechay Baguio. Maaari itong ibabad sa rock salt sa loob ng isang oras upang hindi makunat.

Kasabay nito, balatan at tanggalan ng buto ang pipino. Ibabad ang pipino at labanos sa asin at asukal.

Sunod ay ihalo ang pipino at labanos sa pechay.

Ayon kay Escobar, huwag haluan ng tubig ang pinagsama-samang mga sangkap.

Sunod namang ihalo ang luya, bawang, sibuyas, patis at red pepper powder na umano ay makadadagdag sa lasa ng kimchi.

Ipinayo ni Escobar na huwag munang ilagay agad sa refrigerator ang kimchi. Takpan at hayaan lamang muna ito sa loob ng 8 oras.

"Kapag nilagay mo sa ref, parang tumitigil 'yong pagbuburo niya. So hinahayaan ko na muna siya na wala sa ref para mas kumapit 'yong lasa ng chili powder," aniya.

Mayaman sa fiber at protina, at mababa ang kolesterol ng kimchi, ayon kay Escobar.

Pero nagpaalala rin si Escobar na iwasan ang pagkain ng kimchi at iba pang maaanghang na pagkain kung may almoranas at iba pang problema sa pagdumi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.