PatrolPH

2 estudyante na nasiraan ng sapatos, binigyan ng mga bagong pares

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 06:45 PM

Mga larawan mula kay Norman Deladia
Mga larawan mula kay Norman Deladia

Dalawang estudyante sa Sorsogon City na nasiraan ng mga suot na sapatos sa unang araw ng kanilang face-to-face classes ay nabigyan ng mga bagong pares.

Ayon sa principal ng Buenavista Elementary School na si Norman Deladia, mula sa isang kababayang OFW sa US ang pera na ipinambili niya ng mga bagong sapatos para sa mga bata.

Sa katunayan, 21 pares ng sapatos ang kabuuang nabili niya para ibigay sa iba pang nangangailangang estudyante.

"Ako ay taos-pusong nagpapasalamat sa nagbigay na tulong kahit na hindi naman talaga iyon ang layunin ng aming pag post at hindi naman kami humingi pero tumugon pa rin alang-alang sa kapakanan ng mga bata. Ika nga ng nagbigay, na mabilihan kaagad ng sapatos ang mga bata maging ang ibang batang nangangailangan," ani Deladia.

"Gusto ko ring ipaabot ang pasasalamat at kagalakan ng mga batang nakatanggap maging ang kanilang magulang na agad na nag-text sa guro para magpasalamat sa nakuhang bagong sapatos ng mga bata. Pagpalain pa sana sila ng Panginoon para mas marami pa silang matulungan na mga nangangailangang kababayan," dagdag niya.

Si Deladia ang nagpost sa social media ng mga larawan ng sirang sapatos ng mga estudyante hindi umano para ipahiya, magpaawa o humingi ng tulong, pero mag-iwan ng mensahe o inspirasyon sa iba pang estudyante na nahaharap ang pag-aaral sa iba't ibang hamon.

— Ulat ni Karren Canon

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.