ALAMIN: Mga karapatan ng pasaherong apektado ng flight emergency

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 02:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

MAYNILA - Muling ipinaalala ng isang abogado na may mga karapatan ang pasahero sakaling magkaroon ng aberya ang flight nito, gaya ng emergency o delay. 

Sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Biyernes, inisa-isa ng abogadong si Claire Castro ang mga karapatan ng pasahero, alinsunod sa "Air Passenger Bill of Rights." 

Kapag tatlong oras nang delayed ang flight dahil sa sama ng panahon o kaya'y pagkukulang ng airline, dapat magbigay ng compensation ang carrier gaya ng accommodation, pagkain, transportasyon, at first aid.

"Nagpo-provide sila (airlines) ng accommodation, food. Para sa mga may appointment hassle [ang flight delays] pero it's better to be safe than to be sorry. At saka ang laging inuuna ay safety of each and everyone" ani Castro. 

Hindi rin dapat gumagastos ang mga pasahero tuwing may flight cancellation at rebooking.

May karapatan din ang pasaherong makuha ang kabuuang halaga ng binayarang serbisyo at maaari rin siyang magpaendorso sa ibang airline na kaparehas ang ruta sa nakanselang flight. 

Karapatan din ng mga pasahero na makakuha ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang mga flight. 

Ang mga flight attendant ang may responsibilidad na tumulong sa mga pasahero sa gitna ng emergency, ayon sa host na si Mare Yao, na dating flight attendant. 

"There are a lot of factors. We are trained para sa ganiyang klase ng sitwasyon. Ang secondary training namin ay ang pagse-serve dahil ang pinakapangunahin ay ang safety ng pasahero in cases of emergency. That is a main purpose of a flight attendant," ani Yao. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.