PatrolPH

Pagtanggal ng Filipino subject sa kolehiyo, bakit tinututulan?

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 09:15 PM

Kamakailan ay inalis na ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban sa isang Commission on Higher Education (CHED) memorandum na nagtatanggal sa mga subject na Filipino at Panitikan sa core courses sa kolehiyo.

Pero bakit nga ba tinututulan ito?

Giit ni RR Cagalingan, tagapagsalita ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), hindi konstitusyonal ang naturang kautusan.

"Iyung pagtanggal ng Filipino ay isang paglabag sa Konstitusyon, sa Artikulo 14 Seksyon 6, ang wikang pambansa ay nasa Filipino, at [dapat] gagamitin sa ano mang antas ng edukasyon sa Pilipinas. Kung tatanggalin mo siya... hindi mo sinusunod ang espirito ng Konstitusyon" aniya sa programang "Sakto" ng DZMM.

Dagdag pa ni Cagalingan, na isang manunulat, hindi umano makakamit ang hangaring globalisasyong ng bansa kung hindi muna kikilalanin ang sariling wika.

"Meron din tayong paniwala na paano ka pupunta sa global stage kung hindi mo kilala ang sarili mo kasi ang wika ang kaluluwa ng bayan," banggit ni Cagalingan.

Bukod dito, higit 10,000 guro sa kolehiyo daw ang maaapektuhan dahil hanggang senior high na lamang ituturo ang mga subject.

"Pinaglalaban din natin 'yan. Kasama sila (mga guro) sa pagbuo ng bansa... Patuloy nilang binubuhay sa kamalayan ang estudyante," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.