TESDA may 5,000 scholarship sa mga nais matuto ng ibang wika

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hanggang 5,000 scholarship sa mga manggagawang gustong matutong magsulat at magsalita ng ibang wika ang iaalok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa halos 5,000 scholarship na ipamimigay ng TESDA, puwedeng mamili sa mga kursong English, Japanese, Mandarin, Arabic, Spanish, Russian, German, at Bahasa.

Target kasi ng ahensiya na matulungan hindi lang ang mga overseas Filipino worker (OFW) kung hindi pati na rin ang mga manggagawang nagtatrabaho sa Pilipinas.

“May study nga sa Amerika na sinasabi na ang dapat daw ang isang tao ay magkaroon ng at least two major language na alam plus kultura… ‘Pag alam mo na kasi ang kultura sa isang country, it is easier for you to adapt,” ayon kay Rosanna Urdaneta, deputy director general for policies and planning ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Upang makapasok sa nasabing scholarship, kailangang Pilipino ang aplikante, hindi babata sa 18 taong gulang, at high school graduate. 

First-come, first-served basis ang scholarship at puwedeng mag-apply kahit ang mga nagtatrabaho sa Pilipinas.
    
Kailangan lang mag-register online sa website ng TESDA na www.tesda.gov.ph at hintayin ang kanilang text o tawag.

Ihanda rin ang mga sumusunod na documentary requirements:

 • original at photocopy ng anuman sa mga sumusunod: college o high school diploma, transcript, training certificate mula sa TESDA registered program, o NC/COC na inisyu ng TESDA
 • original NSO birth certificate o marriage certificate
 • 3 piraso ng 1x1 at isang 2x2 photo na may puting background

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.