Radyo Patrol 39 at Sky Patroller Ricky Velasco, pumanaw na

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2020 07:06 PM | Updated as of Nov 24 2020 08:54 AM

Sumakabilang-buhay na si Radyo Patrol 39 Ricky Velasco. Larawan mula kay Eula Velasco.

MAYNILA - Sumakabilang buhay na ang isa sa mga beteranong Radyo Patrol ng DZMM at ang tinaguriang Sky Patrol ng ABS-CBN na si Ricky Velasco.

Ayon sa mga naulila ni Velasco na tumatak bilang Radyo Patrol 39, Biyernes ng gabi nang bawian ito ng buhay dahil sa atake sa puso.

Isinugod pa sa Philippine Heart Center si Velasco, subalit pagdating sa emergency room ay binawian na ito ng buhay.

Pumanaw si Velasco sa edad na 61-anyos.

Nakaburol ang kanyang mga labi sa Paket Santiago Funeral Homes sa Marcos Highway sa Antipolo City.

Ang huling misa para kay Velasco ay gagawin ngayong Martes ng ala-una ng hapon, na susundan ng cremation sa Heaven’s Gate Sumulong Highway sa Antipolo City ganap na alas-tres ng hapon.

Bagama't bukas ang pamilya sa mga kaibigan, nakatrabaho at nais na makiramay o mga nais magbigay ng huling pagpupugay kay Radyo Patrol 39, magiging limitado pa rin ang mga tatanggaping bisita sa burol para makasunod sa minimum health protocols ng IATF gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shield.

Tumatak si Velasco bilang Sky Patrol na live na nagbibigay ng updates sa daloy ng trapiko at iba pang kaganapan mula sa himpaawid sakay ng ABS-CBN helicopter.

Limang taon munang naging volunteer reporter si Velasco mula sa TARGA Communications bago opisyal na naging parte ng DZMM noong October 1, 1997.

Umabot ng 18 taon ang pagserbisyo ni Velasco bilang Radyo Patrol 39.

Naulila ni Velasco ang maybahay na si Yolly, at apat na anak na sina Eula, Elisha, Elize at Erika.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.