'Buntis' na kandidata, 'leaked' gown ni Rachel Peters, maiinit na isyu sa Miss U

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 07:22 PM | Updated as of Nov 23 2017 09:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumitindi pa ang Miss Universe fever habang papalapit nang papalapit ang araw ng coronation night. 

Sari-saring mga isyu rin ang kumakalat online, gaya ng isang kandidatang buntis umano at ang pag-leak ng retrato ng gown ng pambato ng Pilipinas na si Rachel Peters. 

Ramdam na ang tensiyon ng mga supporters ng iba’t ibang kandidata online pero pinakamainit na pinag-uusapan ang kumalat na retrato ni Miss Haiti na ayon sa caption ay buntis umano, isang bagay na puwede nitong ika-disqualify. 

Hindi malinaw kung kailan kinuhanan ang retrato pero ayon sa media affairs team ng Miss Universe, walang katotohanan ang isyu at ikinalungkot nila ang pagkuha ng retrato sa pribadong moment ng contestant. 

"On background, this is completely false. It is unfortunate that this was posted when a contestant was clearly in need of privacy," pahayag ni Jacki Shahinian ng Miss Universe Organization.

Nag-leak naman sa social media ang dapat sana'y susuoting gown ni Peters sa mismong pageant night, iba sa kaniyang gown sa preliminary competition.

Sa kaniyang Instagram stories, sinabi ni Peters na natuto na siya kung sino ang pagkakatiwalaan.

Ganunpaman, handa siyang isorpresa ang lahat kung paano niya ito irarampa sa Miss Universe stage.

Hot topic din ang isyu sa ilan pang kandidata, gaya ng pagtatago ng sapatos ng kapwa kandidata at racist remarks. 

Pagkatapos naman magpakitang-gilas ang mga kandidata sa preliminary competition, piyesta agad ang pageant fans sa kanilang fearless forecasts at predictions kung sino ang kokoronahang Miss Universe 2017. 

Sa pagent blog na Missosology, nangunguna sina South Africa, Thailand, Jamaica, Philippines, Australia, at Colombia. 

Latina beauties naman ang best bets ng pageant live blog, kabilang na ang Venezuela na ramdam na ang tindi ng kompetisyon habang papalapit ang pageant night.

Hindi nawawala sa top picks ang Pilipinas pero matinding contenders sa korona ang mga kapitbahay na sina Thailand at Indonesia.

Samantala, magkakaroon ng break ang Miss Universe beauties ngayong thanksgiving holiday sa Amerika pero balik-rehearsals ulit sila sa Biyernes para sa pinakahihintay nilang coronation night.-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.