PatrolPH

Bayanihan ng mga baker: Pangarap na oven, mixer ibinigay sa isang ina sa Agusan del Norte

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2020 04:14 PM

Bayanihan ng mga baker: Pangarap na oven, mixer ibinigay sa isang ina sa Agusan del Norte 1
Mga larawan mula kay Angelica Bordeos

MAYNILA — Natanggap na ng viral na baker sa barrio ng Agusan del Norte ang ilang mga bagong gamit para sa kanyang pagluluto.

Kwento ni Angelica Bordeos sa ABS-CBN News, ilan sa mga natanggap niya ay ang bagong electric oven at stand mixer na mas magpapadali ng kanyang trabaho.

Aniya, masaya siya sa pag-ulan ng biyaya at may dagdag pa na stove, mga palamuti at mga rekado pati na rin pera pambili ng ilan pang mga kailangan para sa pagluluto.

“Masaya po ako … sobrang saya … ‘Yong feeling na nain-love ka ulit … mapapangiti ka kahit mag-isa ka kasi s’yempre po pangarap ko lang magkaroon ng oven,” kwento ni Bordeos sa ABS-CBN News nitong Huwebes.

Lubos ang pasasalamat ni Bordeos sa lahat ng netizens na tumulong sa kanya para matupad ang kanyang pangarap na makakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

“Mula sa aking puso, maraming maraming salamat po … Habang buhay ko itong tatanawin na utang na loob … kung hindi po dahil sa kanila, ‘di ko po ito mararanasan … Sobrang laking tulong ng mga kagamitan na ito para sa paghahanap-buhay namin,” ani Bordeos.

“Habang buhay po ito na tatatak sa puso ko … na kung hindi dahil sa Bake Happy Manila Family ‘di ko po ito mararanasan. Thank u po sa pagtitiwala n’yo po sakin. Si Lord po ang magbabalik sa inyo ng siksik at liglig na blessings,” dagdag pa niya.

Sipag at tiyaga ang puhunan naging puhunan ni Bordeos sa kaniyang mga nagawang cake kahit na wala siyang oven at sapat na gamit.

Kwento niya, 2 oras ang layo at kailangan pa tumawid ng ilog bago makarating sa pinakamalapit na baking store kaya natuto siya mag-improvise ng mga gamit.

Hiling niya na makapagsimula ng business para makapiling na niyang muli ang kanyang anak.

“Magpupursige kami sa paghahanap buhay para makasama na po namin s’ya.”

--

Iba pang viral na kwento:
Kilalanin ang viral Korean street vendor na nagbebenta ng noodles

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.