Janitor, nagsoli ng napulot na pitaka sa Naga City

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 10:32 PM

Hinahangaan ngayon sa Naga City ang 35-anyos na si Alexis Ferro, isang janitor sa paaralan sa lungsod na may intellectual disability.

Noong nakaraang linggo, isinoli ni Ferro sa may-ari ang pitaka na nakuha niya sa loob ng school canteen. 

Kuwento niya, nakita niya ang wallet at panyo sa tabi ng lalagyan ng mga baso habang umiinom siya ng tubig. Pamilyar sa kaniya ang mga naiwang gamit kaya alam niya umano kung kanino ibabalik ang mga ito.

Pagmamay-ari ng isa sa mga guro ng paaralan ang wallet na may lamang mahigit P15,000, ATM cards, at papel kung saan nakasulat ang PIN codes.

"Sabi ko, Diyos ko Lex! Sabi ka kung saan mo gusto, kumain tayo. Tapos sabi niya, hindi, boy scout kasi ako kaya honesto ito," ani teacher Maria Herras na nakaiwan ng pitaka.

Sa halip, gusto raw ni Ferro na mag-donate na lang ng pera sa simbahan ang guro.

Labis itong ikinatuwa ng faculty members. Sa katunayan, binigyan siya ng pagkilala ng paaralan.

"Kung cocompute-tin mo 'yung last year niyang salary, 3 months 'yun. So talagang kahanga-hanga na ibinalik niya. 'Yung value niya ng honesty, nasa kaniya," paliwanag ng school principal na si Dr. Juliet Curva.

Hangad ngayon ni Ferro, na halos 11 taon nang nagtatrabaho bilang janitor, na maging mabuti siyang halimbawa hindi lang sa paaralan kundi pati na rin sa komunidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.