ALAMIN: Proseso sa pagkuha ng non-professional driver's license

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 03:53 PM | Updated as of Nov 19 2019 05:05 PM

Nakapila ang ilang aplikante sa tanggapan ng Land Transportation Office para mag-apply ng lisensiya. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nais mo bang mag-apply ng lisensiya? 

Ito ang mga hinihinging requirements ng Land Transportation Office para makapag-apply para sa isang non-professional license. 

Ayon sa website ng ahensiya, kinakailangan ang sumusunod mula sa mga aplikante. 

  • 18 anyos pataas
  • Physically at mentally fit na magpatakbo ng sasakyan.
  • Dapat marunong magsulat at magbasa sa Pilipino, Ingles o sa lokal na dialect. 

Kung dayuhan naman ang mag-a-aplay, dapat itong maging residente ng Pilipinas nang aabot sa isang taon. Dapat ding may patunay ito na mananatili siya sa bansa 1 taon matapos mag-apply para sa isang lisensiya. 

Kapag pupunta sa tanggapan ng LTO, dapat dalhin ang mga sumusunod: 

  • Application for Driver's License (na mada-download mula sa website) 
  • Student permit na valid 1 buwan at 1 araw mula sa araw ng pag-a-apply. 
  • Medical examination certificates 

Kung dayuhan, dapat ding dalhin ang sumusunod: 

  • Passport (original at photocopy) at visa na may 1 taon mula sa date ng application
  • Birth certificate (para sa mga dayuhang ipinanganak sa Pilipinas) 
  • Kung may lisensiya mula sa ibang bansa, maaaring dalhin ang foreign driver's license, na may kasamang English translation mula sa embahada ng nag-isyung bansa. 

PROSESO: 

  1. Dapat pumunta ang aplikante sa receiving personnel. Dito, dapat tingnan kung kumpleto ang dokumento ng aplikante. 
  2. Tatawagin ang aplikante para makuhanan ng litrato at pirma. 
  3. Magbayad ng mga fee sa kahera
  4. Sumailalim sa Basic Driving Theory Test. 
  5. Kapag nakuha ang resulta, maaari nang sumabak sa practical driving tests. Kapag pumasa, aaprubahan ito ng isang opisyal. 

Kapag naaprubahan, mai-isyuhan na ng lisensiya ang aplikante at mabibigyan ng official receipt. 

Kakailanganin ding pumirma ng "Released Form" ang aplikante. 

HAKBANG PARA MADISIPLINA ANG TAO SA DAAN

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan na raw ng ahensiya ang ilang paraan para maisalang ang bilang ng mga lisensiyadong driver nang hindi na kinakailangang habaan pa ang proseso sa aplikasyon, ayon kay LTO National Capital Region - East Regional Director Benjo Santiago

Ayon kay Santiago, pinag-aaralan na nilang magkaroon ng "credit score" para sa mga license holder, na babawasan sa kada paglabag na maitatala. 

"Ang daling kumuha ng lisensiya pero itong pagmamaheno ay privilege dapat pahalagahan natin iyan," ani Santiago sa "Sakto" ng DZMM. 

"Kailangan may sense na ang hirap niyang kunin at pag binawi sa'kin dahil sa pagkukulang ko 2 years," ani Santiago. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.