Paano maiiwasang maadik sa online shopping?

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 04:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maraming shoppers ang pinipiling mag-shopping na lang sa pamamagitan ng kanilang computers at smartphones kaysa pumunta sa aktuwal na mall at doon mamili.

Sa mundo kasi ng online, mas maraming produktong mapagpipilian, hindi na kailangang sumuong sa trapiko, at ang lahat ng tindahan ay bukas 24/7.

Pero may mga pagkakataong hindi na nakokontrol ng tao ang kaniyang paggastos sa online shopping.

Para maiwasang malulong sa online shopping, ipinayo ng isang financial literacy advocate na si Armand Bengco ang pag-iwas sa pagiging online.

"Kung iyong tao na nalululong na sa regular shopping sa mga malalaking mall, umiwas ka sa mall... pinakamagandang pag-iwas diyan, avoid being online," sabi ni Bengco sa programang "Sakto" ng DZMM.

Mas mainam umanong iwasang maging online para hindi matukso sa mga patalastas ng mga online shopping store.

"Maski nag-aaral ka online o nakikipag-communicate, pag-close mo ng SMS message mo, lalabas 'yong advertisement noong online shopping mall," paliwanag ni Bengco, executive director ng Colayco Foundation for Education, isang organisasyong nagtuturo ng financial literacy.

Ipinaliwanag din ni Bengco na kapag minsang nag-search ang isang tao sa internet ukol sa isang produkto, maaaaring kusa nang magrekomenda ang internet ng mga bagay na may kinalaman dito.

"Kapag ikaw minsan nag-search ng [kunyari] motorsiklo, lahat na ng tungkol sa motorsiklo, ipapaalam sa'yo. Ino-notify ka kahit hindi mo hinahanap," ani Bengco.

"That's a benefit kung talagang tamang consumer ka," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.