Gaano karaming asin ang inirerekomendang konsumo kada araw?

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 01:07 PM

Likas sa maraming Pinoy ang mahilig sa mga maaalat na pagkain, pero gaano karaming asin nga ba ang dapat makonsumo ng isang tao kada araw?

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa World Health Organization, hanggang 5 gramo ng asin lang ang dapat na nakokonsumo ng tao kada araw. Katumbas ito ng isang kutsarita kada araw, sabi naman ng isang eksperto.

"Isa pong kutsarita lang 'yan sa isang araw," anang nutritionist-dietician na si Josie Gonzales mula sa Food and Nutrition Research Institute.

Nagbigay naman ng payo si Gonzales sa pagpili ng mga pagkain na hindi gaanong maasim o hindi masyadong nilagyan ng asin.

Sa pagpili ng tuyo, halimbawa, mainam umanong piliin ang tuyo na maputi ang kulay.

"Mas maputi [ang tuyo] mas kakaunti ang asin na ginamit sa kaniya," ani Gonzales.

Puwede naman daw lagyan ng gulay o dagdagan ang sabaw ng noodles para mabawasan ang pagiging maalat nito.

Maaari rin umanong isawsaw ang salty food sa suka para mabawasan ang alat ng mga ito.

Ayon kay Gonzales, hindi dapat pinakakain ng salty food ang mga batang isang taong gulang at pababa.

"Dapat one year onwards saka ka pa lang maglalagay ng pinch, kurot lang," aniya.

Hirap pa ang mga bato ng mga bata na magproseso ng salty food, ani Gonzales.

Pero nilinaw ni Gonzales na mahalaga rin ang papel ng asin sa katawan ng tao.

"Kapag wala namang sodium sa ating katawan, baka mag-collapse din tayo. Importante din 'yon sa mga cell activity natin," paliwanag niya.

Inihayag ng Department of Health (DOH) noong nakaraang buwan na pinag-aaralan ng ahensiya ang posibilidad ng pagpataw ng buwis sa salty food.

Marami kasi umanong sakit na nakukuha sa pagkain ng salty food gaya ng hypertension, at mga sakit sa puso at bato.

Sinabi naman nitong buwan ng Department of Finance na hindi pa naghahain ng pormal na panukala ang DOH para sa buwis sa salty food.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.