Pares na naantala ang kasal dahil sa aksidente, ikinasal sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 04:03 PM | Updated as of Nov 19 2018 07:10 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasaksihan ng mga manonood ng "ASAP Natin 'To," ang bagong pamagat ng Kapamilya musical variety show na inilunsad ngayong Linggo, ang pag-iisang dibdib ng isang pares na sinubok ang pagsasama nang maudlot ang kanilang orihinal na planong kasal dahil sa aksidente.

Kinasal ngayong Linggo sina Joel at Sherryann Egos sa Annunciation of Our Lord Chapel sa loob ng ABS-CBN Compound sa isang seremonyang dinaluhan ng ilang bituin ng network.

Ang mag-asawang Ogie at Regine Alcasid ang tumayong ninong at ninang sa kasal habang naghandog naman ng awitin sina Gary Valenciano at Moira Dela Torre.

Nagsilbi namang maid of honor si Sarah Geronimo habang coin bearer, Bible bearer at ring bearer ang mga miyembro ng TNT Boys.

Nahanap ng "ASAP" ang pares nang i-post ni Sherryann ang kuwento nila ni Joel sa isang Facebook page tungkol sa mga dream wedding.

Ikakasal sana noong Mayo ang dalawa subalit hindi ito natuloy matapos silang masangkot sa road accident sa Surigao del Norte.

Mabilis na gumaling mula sa aksidente si Sherryann subalit nagtamo ng mas matinding pinsala sa katawan si Joel.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Marami pong damage 'yong sa internal, 'yong sa pancreas, spleen," kuwento ni Sherryann ukol sa mga natamong internal injury ni Joel.

"Imbes na ikakasal na kami sa simbahan, may masama pang nangyari," dagdag ni Sherryann.

Subalit hindi nawalan ng pag-asa si Sherryann at kalaunan ay gumaling din si Joel.

"Parang may anghel na bumubulong na nagsabing huwag kang mag-alala, hindi pa kukunin si Joel," sabi niya.

Kuwento ni Sherryann, high school sila nagkakilala ni Joel at noon pa lang ay crush na niya ito.

Pero higit isang dekada ang itinagal bago nagkaroon ng pagkakataon para mapalapit si Sherryann kay Joel at maamin ang kaniyang nararamdaman.

Long distance din ang naging relasyon ng dalawa dahil nagtatrabaho si Sherryann bilang guro sa Surigao habang seaman naman si Joel kaya madalas itong wala sa bansa.

"Noong naging mag-on kami, one month lang kaming nagkasama and then sumakay na siya and then pagkabababa na naman siya ng barko, mga ilang araw din, sasakay na ulit," ani Sherryann.

(PL

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa panayam sa dalawa matapos ang seremonya, inihayag nila ang kanilang tuwa na madaos ang kanilang pag-iisang dibdib sa programa.

"Masayang-masaya po," ani Joel.

"Overwhelming po. Hindi pa nagsi-sink-in sa isip ko na ganito kalaki 'yong event na mangyayari sa amin," ani Sherryann.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.