Pagkain ng tokwa nagdudulot nga ba ng gout?

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 02:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ng isang eksperto ang paniniwalang nagdudulot ng karamdaman na gout ang pagkain ng tokwa.

Gawa kasi ang tokwa o tofu sa soybeans kaya marami ang naniniwala na mataas ang taglay nitong uric acid, na nagdudulot ng gout o iyong pagkirot ng mga kasukasuan bunga ng labis na uric acid sa dugo.

"'Yong tokwa, hindi po totoo na nakakataas siya ng uric levels sa ating dugo," anang medical culinary nutritionist na si Fia Batua sa programang "Salamat Dok."

Nawawala ang purine content, o iyong substance na nagiging uric acid, sa tokwa kapag dumaan na ang mga sangkap nito sa proseso ng paggawa, ayon kay Batua.

"During the manufacturing or procedure sa paggawa ng tofu, nawawala 'yong purine content ng tokwa... pagdating sa end product, it's considered low in purine," ani Batua.

Ang isang piraso ng tokwa ay nagtataglay umano ng 9 amino acid na nakatutulong sa paggawa ng muscles at pagpapalakas ng resistensiya, calcium na mainam sa ngipin at buto, Vitamin B1 na nakatutulong sa problema sa pagtunaw ng pagkain, at protina.

Dahil sa taglay nitong mga sustansiya, kadalasang ginagawang alternatibo ng mga vegetarian at nagdidiyeta ang tokwa sa karne.

"Magandang alternatibo po ang tokwa sa animal meat kasi kumpleto siya. It is almost zero fat and zero in cholesterol," ani Batua.

Wala naman daw problema para sa mga malusog na indibiduwal ang pagkain ng tokwa araw-araw pero may babala si Batua sa mga taong amy problema sa bato.

"Mayroon kasi siyang (tokwa) oxalate content. 'Yong oxalate content kasi, kapag sobra, nagko-cause siya ng kidney stones," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.