PatrolPH

Inspirasyon hatid ng 'dancing teacher' sa mga biktima ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2020 04:44 PM

Inspirasyon hatid ng 'dancing teacher' sa mga biktima ng bagyo 1
Nag-alay ng isang sayaw ng pagmamahal ang isang teacher mula Pampanga para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo sa bansa. Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Ang mga nakapanlulumong trahedyang sinapit ng mga biktima ng mga nagdaang bagyo ang nagtulak sa isang guro para maghatid ng pag-asa sa pamamagitan ng social media.

Siya si teacher Zaldy Mendoza, ang tinaguriang dancing teacher ng Pampanga.

Naapektuhan din kasi umano ng bagyo si Mendoza kaya alam niya ang hirap na pinagdadaanan ng ibang mga nasalanta.

Ginawan ni Mendoza ng sayaw ang kantang "Pag-ibig ang Hihilom sa Daigdig" na unang ginamit ng ABS-CBN bilang pagpupugay sa frontliners.

"Sabi ko, 'puwede ko gamitin 'yong pagsasayaw ko, at puwede ko siya i-upload sa TikTok para makapag-spread tayo ng kung paano natin maibibigay ang pagmamahal natin, para mas lalong tumatag din yung loob nila,'" ani Mendoza.

Watch more on iWantTFC
Video mula kay Zaldy Mendoza/Tiktok

Para kay Mendoza, sa panahon ng sakuna, kailangan ang malasakit sa isa't isa.

"Kapag mahal natin ang isa’t isa, gagawa at gagawa tayo ng paraan, maliit man 'yan o malaki, para matulungan natin ang isa’t isa," ani Mendoza.

Noong nakaraang linggo, nanalasa ang bagyong Ulysses sa Luzon, dahilan para malubog sa baha ang malaking bahagi ng isla at masawi ang hindi bababa sa 67 tao.

Bago nito, noong Nobyembre 1, sinalanta naman ng bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, ang halos parehong lugar.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.