Relasyon kung saan mas matanda ang babae, bakit 'big deal'?

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 05:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging daan ang pag-viral ng trailer ng pelikulang "Glorious" para mabuhay ang mga talakayan ukol sa mga relasyon kung saan mas matanda ang babae ng ilang taon o dekada sa karelasyong lalaki, pati na rin ang stigma o mga negatibong pananaw ng lipunan sa mga naturang pagsasama.

Sa programang "Umagang Kay Ganda," ipinaliwanag ng wellness expert na si Dr. Lulu Marquez na kaya "big deal" o malaking bagay pa rin ang mga ganoong relasyon kumpara sa mga relasyong mas matanda ang lalaki sa babae ay dahil hindi raw ito karaniwan sa Pilipinas.

"Kasi hindi common, especially sa Pilipinas, 'yong ganoong relasyon, 'yong cougar," sabi ni Marquez.

Ang "cougar" ay slang o balbal na salita na tumutukoy sa babae na nakikipagrelasyon sa lalaking mas bata sa kaniya.

"Nag-umpisa 'yan kasi sa abroad, 'yong mga cougar women, mga 40 and above... Nagsi-stay sila sa mga club at talagang nag-aabang sila ng mas 20 years younger than them," dagdag ng doktora.

Pero unti-unti na ring nagiging katanggap-tanggap ang mga ganoong relasyon, ani Marquez, sa tulong na rin ng impluwensiya ng ibang bansa.

"Mas tanggap na ngayon. 'Yong kultura natin medyo makaluma eh but it happens abroad," ani Marquez.

Ayon kay Marquez, hindi talaga maiwasan na magkaroon ng negatibong pananaw ang iba o maging paksa ng mga tsismis ang mga relasyon kung saan mas matanda ang babae.

Watch more in iWant or TFC.tv

"We cannot do anything about it. Hindi mo naman puwedeng pagsabihan 'yong mga kapitbahay mong tsismoso, 'Huwag mong pakialaman!'" anang doktora.

Kung sa panig naman ng mga kaanak ng lalaki ang may problema, ipinapayo ng doktora sa babae na matutong makisama.

"Regaluhan mo ng kung ano-ano... makisama ka," aniya.

Sa Pilipinas, ilang kilalang personalidad na babae na ang naging bukas sa publiko sa kanilang mga pakikipagrelasyon sa mga mas batang lalaki gaya nina Ai Ai delas Alas, Vicki Belo, at Dionisia Pacquiao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.