ALAMIN: Ilang paalala kung magpapa-tattoo ng labi, kilay

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 05:26 PM | Updated as of Nov 12 2018 05:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauuso ngayon ang "permanent makeup" o iyong mistulang pagta-tattoo sa ilang bahagi ng mukha, gaya ng labi at kilay, para mapaganda ang hitsura ng mga ito.

Bagaman ligtas naman daw ang naturang procedure, nagpaalala pa rin ang isang dermatologist ukol sa ilang dapat isaalang-alang upang makaiwas sa mga komplikasyong maaaring idulot nito.

Ayon kay Dr. Julieta Peralta-Arambulo, fellow ng Philippine Dermatological Society, may ilang salon na nag-aalok ng permanent makeup pero mas maipapayo niya ang pagkonsulta sa doktor kung sasailalim sa naturang procedure.

"Because I'm a doctor 'no, mas masasabihan ko 'yong pasyente what to expect from it and then ano 'yong posibleng mangyari," sabi ni Peralta-Arambulo sa programang "Good Vibes." 

Ayon sa doktora, kailangang sumailalim muna sa screening ang mga pasyenteng nais magpa-permanent makeup.

"May mga sakit na dapat careful 'yong tattoo provider para 'di magkaroon ng complications because when you do the tattoo, sinisira mo 'yong skin barrier so it makes you more prone to infection," paliwanag ni Peralta-Arambulo.

"It's important that when you're doing this procedure, the one providing it is aware of what might happen if the patient is allergic to the pigment," dagdag ng doktora.

Ang permanent makeup din daw ay isang aseptic technique na nangangahulugang lahat ng gagamitin ay dapat disposable o sadyang itinatapon matapos gamitin para makaiwas sa hawahan.

"Dapat disposable lahat ng ginagamit at saka malinis, hindi contaminated 'yong pigment na gagamitin at saka malinis ang lugar," ani Peralta-Arambulo.

Ilan sa mga komplikasyong maaaring idulot ng procedure, ani Peralta-Arambulo, ang herpes labialis, isang impeksiyon sa labi na maaaring magdulot ng pamamaga, at granuloma formations, na nagdudulot din ng pamamaga.

"When this happens, kailangan ma-manage ito at malaman kung ano ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga skin reactions," ani Peralta-Arambulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.