Adbokasiya para sa kapaligiran, maaari ring gawing negosyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 12:02 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung patapon o basura na ang turing ng marami sa plastic bottles, ito naman ang nagbigay ng ideya para sa isang social entrepreneur upang kumita, makapagbigay ng trabaho sa iba, at makatulong na rin sa kapaligiran. 

The Plastic Solution ang tinawag sa social enterprise na itinatag ni Raf Dionisio at ng iba pa niyang kasamahan.

“Noong simula, para lang sa katuwaan kasi mahal na mahal namin iyong dagat. Doon na namin nakita na kailangan pala nating tulungan iyong environment mismo,” ayon kay Dionisio.

Ginagamit nila ang mga plastic bottles na nakokolekta sa mga nagkakalakal bilang construction materials para sa itinayong mini residential hostel sa La Union, Zambales, at Baler sa Aurora. 

“So we have to protect our people, protect our environment, and it makes our business sustainable,” ani Dionisio. 

Sa ngayon, gumagawa na rin sina Dionisio ng iba pang produkto na yari naman sa kawayan. Dahil dito, nakapagbigay na rin sila ng trabaho sa mga Aeta sa komunidad. 

Social enterprise

Para sa mga nais tumulad sa kaniya at magka-social enterprise, kailangang may konsepto ng mga bagay na puwede pang pakinabangan, at kung ano ang magiging epekto nito sa tao o sa kapaligiran.

Maaari ring humingi ng tulong sa iba-ibang ahensiya. 

Ang kikitain ng proyekto, paiikutin upang makapagbigay ng oportunidad sa ibang tao tungo sa pagpapabuti at pagpapa-angat ng kanilang sarili. — Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.