'Patola nakatutulong vs sakit sa puso, panlalabo ng mata'

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tulad ng ibang gulay sa kantang "Bahay Kubo," siksik sa sustansiya at bitamina ang patola, na maaaring magsilbing pangontra sa iba-ibang kondisyon gaya ng mga sakit sa puso at panlalabo ng mata.

May taglay na Vitamin B5 ang patola na nakapagpapababa ng bad cholesterol at triglycerides, na mga sanhi ng sakit sa puso.

"'Yon po ang purpose ng Vitamin B, is to help i-metabolise 'yong kinakain natin," anang nutritionist-dietitian na si Angela Rosario Garganta sa programang "Salamat Dok."

Mayaman din ang patola sa Vitamin A na malaki ang naitutulong para mabawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng macular degeneration o panlalabo ng paningin.

Para sa mga pinupulikat, puwede ring makatulong ang patola dahil nababalanse ng potassium nito ang tubig sa katawan.

May alkaloids at peptides din ang patola na mala-insulin umano ang epekto, at kaya raw kontrolin ang sugar level sa dugo.

"With the help of the Vitamin B5, it would act as an insulin-like property," ani Garganta.

Pero paglilinaw niya: "kailangan pa ng further research for that para mapatunayang patola is certified as insulin-helping vegetable."

Napakikinabangan din ang patola kapag pinatuyo dahil maaari rin itong magamit na panghilod sa balat para matanggal ang mga libag at dead skin.

Bukod sa mga nabanggit, taglay rin ng patola ang carbohydrates, Vitamin B6, Vitamin C, manganese, iron, phosphorus at fiber.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.