Paano kakausapin ng magulang ang anak na may pinagdaanan?

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 01:19 PM | Updated as of Nov 11 2019 01:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ka ba sa mga magulang na nakapapansin na tila may pinagdadaanan ang iyong anak?

Ipinayo ng isang psychologist sa mga magulang na maging mahinahon at maunawain kapag nakikipag-usap sa mga anak ukol sa mga problemang kinahaharap ng mga ito.

"Ayaw man nilang magsalita, padabog-dabog, ayaw kumain, nage-emote-emote... nararamdaman natin iba sila ngayong araw, iba [mood], tiyempo na tayo [pero] dahan-dahan," ani Lillian Ng Gui.

Sa halip na tahasang tanungin ang anak na "Ano ang nangyayari sa'yo?", mas mainam na sabihan siya ng "Kung may gusto kang pag-usapan, nandito lang ako," ayon kay Gui.

Malakas umano ang loob ng mga bata na magbahagi ng kanilang problema basta pakiramdam nilang mapagkakatiwalaan at hindi sila huhusgahan ng kanilang kausap.

"If they feel safe with you, they trust you, they know na hindi natin sila ile-label, they will speak up," ani Gui.

May mga pagkakataon kasi umanong sinusubukan ng mga bata na magkuwento sa mga magulang pero "hinaharang" sila agad ng mga ito.

Ipinayo rin ni Gui sa mga magulang na sa murang edad pa lang ay turuan na ang mga bata na magkaroon ng resiliency o katatagan.

Puwede raw hayaan muna ang batang magkamali para matuto.

"Huwag niyo naman sobra i-baby siya, give them responsibilities. For example, huwag subuan siya kumain. Maski magkalat sila, so what?" aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.