Libo-libo, nakilahok sa Grand Kapamilya Christmas Fair 2018

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maagang dumating ang Pasko para sa libo-libong dumalo ngayong Linggo sa ABS-CBN Grand Kapamilya Christmas Fair 2018 sa Caloocan Stadium.

Tampok sa okasyon ang mga booth ng iba-ibang programa ng ABS-CBN, na nag-alok ng sari-saring serbisyo at mapaglilibangan sa mga Kapamilya, gaya ng serbisyong medikal, at zumba session. 

Naghandog ang "TV Patrol" ng parenting at financial literacy seminar habang nagbahagi naman ng mga payong pangkaligtasan ang programang "Red Alert." 

Patok din sa mga Kapamilya ang mga hatid ng mga programa ng radyo DZMM kabilang ang libreng masahe at diamond peel ng "Ma-Beauty Po Naman," aura reading ng "Pinoy Vibes," at payong legal ng "Usapang De Campanilla."

Sa unang pagkakataon, nakilahok din sa fair ang ABS-CBN News Digital na nagtayo ng photo wall kung saan maaaring kumuha ng retrato ang mga kalahok. 

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga Kapamilya na makilala ang mga mamamahayag at personalities ng network gaya nina Karen Davila, Bernadette Sembrano, Dyan Castillejo, Winnie Cordero, Gretchen Ho, Jeff Canoy, Jorge Carino, Anthony Taberna, at Ahwel Paz. 

Nagtanghal din sina Lyca Garinod, Ella Nympha, TJ Monterde, Renz Verano, Sassa Dagdag, at ang TNT Boys. 

Sa huling tala, nasa 6,836 ang bilang ng mga Kapamilyang lumahok sa okasyon. --Ulat nina Erik Tenedero at Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.