KILALANIN: Midwife na nagpursigeng mag-exam 3 oras matapos manganak

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 04:59 PM

Hindi biro ang pinagdaanan ni Dolly Bardon para mairaos ang 2 araw na licensure exam dahil napaanak siya 3 oras bago ang pagsusulit. Mylce Mella, ABS-CBN News

STA. ELENA, Camarines Norte — Hindi makapaniwala si Dolly Bardon na isa siya sa 1,608 na pumasa sa Midwifery Board Exam nitong Nobyembre.

"Sobrang naiyak ako. Diyos ko thank you so much! Sulit talaga 'yung paghihirap ko," sabi ni Bardon.

Hindi biro ang pinagdaanan ni Bardon para mairaos ang 2 araw na licensure exam.

Paano kasi, nanganak pa si Bardon 3 oras lang bago ang ikalawang araw ng pagsusulit.

"Ini-expect ko, 10 days before exam ako manganganak," kuwento ni Bardon.

Pero madaling araw noong Nobyembre 3, naramdaman na ni Bardon ang matinding pananakit ng tiyan kaya mag-isa na siyang pumunta sa malapit na lying-in clinic sa Legazpi City.

"Sabi ko iba na, may dugo na siya. 'Yung lying-in namin malapit lang [sa tinutuluyan ko]. Nilakad ko na siya, ako lang mag-isa. Hindi ko na ginising 'yung mga kaklase ko, nahiya ako may exam bukas kawawa naman mga puyat. Nagkatok ako, sarado pa 'yung lying-in. Sabi ko manganganak na po ata ako," kuwento niya.

Dahil may exam pa kinaumagahan, nakiusap daw si Bardon sa kaniyang sanggol na lumabas na.
 
"Mga 3:30 a.m. pumutok na 'yung panubigan. Sabi ko hala lalabas na. Diyos ko salamat makakapag-exam pa ako. Saktong 4:00 a.m. lumabas na siya. Yun! Sabi ko thank you Lord makakapag-exam pa ako."

Matapos ang normal delivery, isang oras lang siya nakapagpahinga.

Sinundo na siya ng ilang namumuno ng center kung saan siya nag-review. Ang mga ito na rin ang nagsalit-salitan sa pag-aalaga sa kaniyang baby.

Tuwing break sa exam, lumalabas si Bardon para mag-breastfeed sa sanggol.

Kahit ramdam ang sakit ng panganganak, tuloy lang si Bardon sa exam.

"Dalawang subject na lang. Sabi ko sayang, maghihintay na naman ako ng 2 buwan na naman [bago makapag-exam ulit]. Sayang ang pagkakataon. Tiniis ko talaga siya, ang sakit. Super sakit, kasi may tahi pa ako. 'Yung dugo ko sobrang dami pa. Tapos 'yung tiyan ko nagko-contract pa siya, siyempre mayroon pang oxytocin 'yun," sabi ni Bardon.

Nairaos ni Bardon ang exam at pumasa sa pagsusulit.

Bilang pasasalamat sa mga tumulong sa kaniya, ipinangalan ni Bardon sa 3 namumuno at empleyado ng review center ang kaniyang baby.

Pinangalan ni Bardon ang kaniyang baby sa mga tumulong sa kaniya mula sa kaniyang review center. Mylce Mella, ABS-CBN News

"Pinangalan ko dun sa mga nagtuturo sa amin na sina sir Marlo, sir Dennis at sir Rovince kaya Marlo Denro ang pangalan niya, para di ko sila makalimutan."

May payo naman si Bardon sa mga kukuha rin ng parehong pagsusulit.

"'Wag silang mawalan ng pag-asa. Saka manalangin lang sa Panginoon. Prayer lang talaga. Kailangan manalangin ka nang galing sa puso mo. Matutupad din lahat ng mga pangarap mo," ani Bardon, na 2008 pa nakatapos ng pag-aaral pero ngayon lang nakapag-exam matapos mag-abroad.

Matapos makuha ang titulong RM o registered midwife, ipagpapatuloy ni Bardon ang pagtatrabaho sa isang pribadong ospital sa Sta. Elena.

Tututok din siya sa pag-aalaga sa 1-linggong gulang niyang baby.

—May ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.