'Mefenamic, hilot, iba pa': DOH may babala vs self-medication

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 08:05 PM

Kabilang na sa paraan ng pagtitipid ng mga Pinoy ang pag-iwas sa pagkonsulta sa doktor at paseself-medicate na lang para di na gumastos.

Isa sa mga kinagawian na ito ay si Ario Paquita, na nakararanas ng pamamanas at pananakit ng balakang at mga kasukasuan. Giit niya, di pa sapat ang pera para magpatingin sa doktor kaya siya na muna ang gumagamot sa sariling karamdaman. 

"Masakit ang balakang ko tsaka namamanas ako. Kaso mahaba ang pila sa ospital. Mefenamic acid na lang iniinom ko. Kaya naman," paliwanag niya. 

Si Pides Bubal naman, may ibang diskarte para mapagaling ang anak sa tuwing sasama ang pakiramdam. 

"Mahal kasi talaga ang magpaospital kaya minsan pinapahilot ko na lang. Malaki rin ang menos," aniya. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kaya ito ang ginagawa ng mga Pinoy ay dahil sa pagtitipid o di kaya’y wala talagang access sa mga health facility. 

"Ayon sa pag-aaral namin, hindi sila pupunta sa ospital hangga't hindi malala ang sakit o di kaya magpapahilot o albularyo...Impression nila magastos magpadoktor," paliwanag ni Carmelita Ericta, interim national statistician ng PSA.

Pero ani Department of Health (DOH) secretary Francisco Duque III, wala naman daw masama sa pagseself-medicate. Pero maaaring magdulot pa rin ito ng ilang problema lalo na kung basta na lang iinom ng gamot lalo na ng antibiotics ng walang reseta ng doktor. 

"Some of these interventions are probably not evidence-based. That might put them at risk...That will contribute to anti-microbial resistance. Hindi na gagana [in the future]," babala niya.

Pero ani Duque, masosolusyunan ito kapag ganap nang naisabatas ang panukalang universal health care (UHC), dahil hindi lang "no balance billing" ang layon nito kundi ang paglapit ng mga health worker at health facility sa mga malalayong lugar. 

"Ang layon natin is to bring down the primary care services to the communities. Pag wala sa baba, they go to the public hospitals resulting in congestion," ani Duque. 

Pero may alinlangan pa rin ang ilan sa naturang panukala.

"Yung UHC ang makikinabang dito 'yung may access sa medical hospitals, pero paano 'yung mga walang access kasi walang ospital o doctor sa kanilang lugar. This is about 70% of Pinoys. So kahit may PhilHealth, anong mangyayari?" pangamba ni RP Healthcraft Carrier Foundation director Alan Asi. 

Noong 2017 ay naipasa na sa Kamara ang UHC bill ngunit nakabinbin pa rin ito sa Senado. Sinertipikahang "urgent" naman ito ni Duterte nitong Hulyo 2018.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.