Mga bata hinikayat na maglaro, lumahok sa mga aktibidad kaysa mag-gadget

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 07:20 PM | Updated as of Nov 08 2019 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hinikayat ng isang ahensiya ng gobyerno ang mga bata na maglaro sa labas, lumahok sa mga pisikal na aktibidad, at makihalubilo sa iba pang paslit kasabay ng paggunita sa National Children's Month.

Ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC), isang sagradong karapatan ang paglalaro ng isang bata.

"Hindi puro aral, hindi puro disiplina, gusto natin silang bigyan ng kalayaan na makapaglaro... Huwag nating ialis sa mga bata ang karapatan na dapat naglalaro rin sila. May time out din sila," sabi ni CWC Undersecretary Mitch Cajayon-Uy.

Iyun nga lang, aminado ang gobyerno na gadgets at internet ang umaagaw ng atensiyon ng mga bata sa paglalaro, bagay na dapat laging bantayan ng mga magulang.

"Karapatan ng mga bata na maglaro whether it is digital or physical. Pero dapat may pagsubaybay ng magulang... Sana kasama o may guidance ng magulang. Ang daming applications na di namo-monitor at ang daming sexual acts na di alam ng magulang," sabi ni Cajayon-Uy.

Ayon sa pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines-Manila, lumalabas na mataas ang panganib sa mga batang nag-o-online sa mapagsamantalang tao na posibleng magresulta sa cyber bullying at cybersex.

"Children encountered exploitative strangers by accidentally adding them on their group chat... Most children, from 9 to 17 years old, disclosed during the interviews and group discussions that all of them were exposed to cybersex, sexual messages/materials, sexual grooming in different forms and modes through Facebook, porn websites," sabi sa pag-aaral.

Hinihikayat din ng Department of Education (DepEd) ang mga bata na maglaro ng tradisyonal na larong Pinoy.

"Meron po kaming larong Pinoy sa huling Palarong Pambansa kung saan ang mga manlalaro ay naglaro ng patintetro, tumbang preso, tug of war... [Para] maipanumbalik ang interes ng mga bata sa Filipino traditional games," ani DepEd Undersecretary Tonisito Umali.

Naglunsad naman ang Philipine Information Agency ng "cyber wellness campaign" para engganyuhin ang mga kabataan na maging mapanuri at mag-ingat sa paggamit ng internet. —Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.