PatrolPH

Tinderong naapektuhan ng pandemya ginawan ng online store ng kostumer

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2020 02:00 PM | Updated as of Nov 13 2020 12:20 PM

Tinderong naapektuhan ng pandemya ginawan ng online store ng kostumer 1
Isang matandang vendor sa Pampanga na halos hindi makabenta ng produkto dahil sa pandemya ang nakatanggap ng maagang pamasko mula sa kaniyang suki. Retrato mula kay Arianne Ocampo

Pinakasikat na yatang vendor sa Angeles City, Pampanga si Angelito Gino-gino, o mas kilala bilang "Lolo Pops."

Halos 3 dekada na siyang nagtitinda sa kalsada kaya napamahal sa kaniya ang mga Kapampangan na itinuturing niyang pamilya.

Nakuha niya ang kaniyang palayaw sa pagtitinda ng mga lollipop noon. Ngayon, naglalako na rin siya ng pastillas at pulburon.

"Fifteen years na ako sa Pampanga. Dati, sa lansangan lang ako natutulog," ani Gino-gino, na dating taga-Malabon.

"Nagbabalik-balik lang ako, hanggang sa nabigyan ako ng bahay sa may Santo Rosario," dagdag niya.

Nang dumating ang pandemya, naapektuhan ang kaniyang kabuhayan at halos wala siyang kinita.

"Minsan, nagtitinda ka, bawal. Minsan, papaalisanin ka. Natural, inuunawa ko kasi bawal talaga magtinda," ani Gino-gino.

Watch more on iWantTFC

:

Isang mag-asawa ang naghatid ng maagang pamasko para kay "Lolo Pops" at ginawan siya ng online store. 

"Sigurado po ako, masaya ang Pasko ni Lolo Pops kasi dagsa po 'tong order," ani Arianne Ocampo, na tumulong kay Gino-gino.

Masaya rin para kay "Lolo Pops" ang kaniyang mga suki.

"Sobrang hardworking niya. Sana, bigyan pa siya ng mas maraming years," ani Wens Lorenzo.

"Napakabuti niyang tao, kaya masasabi kong lolo namin siya lahat dito," sabi naman ni Crisan Martinez.

Sa loob lang ng 4 na araw, halos 1,000 pakete ng pastillas at pulburon ang naibenta ni Gino-gino.

"Ako'y lubos na nagpapasalamat sa mga nag-o-online sa akin, sa sumusuporta," aniya.

Watch more on iWantTFC

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.