Bakit mahalaga ang yakap ng ina sa bagong silang na sanggol?

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 04:40 PM | Updated as of Nov 05 2019 04:55 PM

Binigyang diin ng isang pediatrician ang kahalagahan ng agad na pagyakap ng ina sa bagong silang nitong sanggol, na nagdudulot umano ng benepisyo sa mag-ina.

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ipanganak, mainam na tuyuin lamang ang sanggol at agad ibalik sa ina para magyakapan ang dalawa at makaramdam muli ng init ang anak, paliwanag ng pediatrician na si Dr. Andrea Carag.

"After i-dry ay ididikit kay mommy, so skin-to-skin, 'yong bare skin ni baby doon sa bare skin ni mommy," ani Carag sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"Para mai-return natin 'yong warmth, so 'yong init na kailangan ni baby, doon dapat manggagaling kay mommy," ani Carag.

Madalas ay kailangan ng incubator para makaramdam ng angkop na temperatura ang bagong silang na sanggol.

Pero sa mga pagkakataong walang incubator, maaaring makatulong ang init na nakukuha ng anak sa yakap ng kaniyang ina, ayon kay Carag.

"The warmth of the mother... is as beneficial, if not sometimes better, than being isolated in an incubator," aniya.

Nakatutulong din umano ang yakap ng ina para makapag-adjust ang sanggol matapos lumabas sa sinapupunan.

Habang nasa loob kasi ng sinapupunan, paliwanag ni Carag, ang naririnig lamang ng anak ay ang boses at tibok ng puso ng kaniyang ina.

"Isi-skin-to-skin contact sila para marinig nila ulit 'yong heartbeat ni mommy kasi ilalagay sa chest," ani Carag.

Ang yakapan ng mag-ina ay nakatutulong din daw sa paggawa ng ina ng breast milk.

"Nasi-stimulate 'yong hormones ni mommy [and] a lot of that is to produce more milk," paliwanag ng doktora.

Para naman sa mga nanganak nang Caesarean, idinidikit umano ng mga doktor ang sanggol sa likod ng ina matapos putulin ang umbilical cord.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.