'ASAP TLC': Pinay vlogger, nahanap ang 'soulmate' sa Australia

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 04:09 PM

Sa pamamagitan ng kaniyang YouTube channel na "Simply Rhaze," naipapakita ng Pinay vlogger na si Rhaze sa higit 350,000 niyang subscribers ang kaniyang buhay at pagkatao.

Pero ang pasilip sa buhay niyang iyon din ang isa sa naging dahilan para lubusang makilala si Rhaze ng kaniyang mister na si Daniel, isang Australian.

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinampok ngayong Linggo sa segment na "TLC" ng "ASAP" ang kuwento kung paano nahanap ni Rhaze ang kaniyang "soulmate" na si Daniel at kung paano nahulog ang loob nila sa isa't isa.

Kuwento ni Rhaze, nasa Australia siya noon nang subukan niyang gumamit ng dating app, kung saan naman niya nakilala si Daniel.

"Matagal akong single noon before ko na-meet si Dan. So nag-try akong mag-dating app kasi inisip ko wala namang mawawala kung ita-try mo," kuwento niya.

Inamin naman ni Daniel na hindi siya agad nagkagusto kay Rhaze pero unti-unti siyang nabighani sa Pinay nang tumagal ang kanilang pag-uusap at dahil na rin sa mga napapanood niya sa vlog nito.

"After three weeks of chatting, I asked for her Facebook and YouTube channel. There I discovered she's a smart, young, beautiful woman," ani Daniel.

"From then onwards, we chatted regularly and I fell more in love with her."

Nagtuloy-tuloy ang pag-uusap nina Rhaze at Daniel sa loob ng anim na buwan pero hindi pa rin sila nagkikita sa personal.

Noong Disyembre 2015, naisip ng dalawa na magkita sa bansang Thailand.

"So after Thailand, 'yong plano talaga namin is uuwi kami sa Pilipinas pero kapag hindi nag-work out sa Thailand, siya, 'di ko alam kung saan siya pupunta, tapos ako, uuwi ako ng Cebu," kuwento ni Rhaze.

"Eh nag-work so inuwi ko siya sa amin, pinakilala ko siya sa mama at papa ko, sa pamilya ko."

Ayon kay Daniel, kahit noong una pa lang, mabait at mainit na ang pagtanggap sa kaniya ng pamilya ni Rhaze.

"My first impression of her family was very welcoming, they're always nice to me," aniya.

Subalit noong Enero 2016 ay kinailangan nang umuwi ni Daniel sa Australia.

Kalaunan ay niyaya niya si Rhaze na pumunta ng Australia para mag-apply ng fiancé visa. Kinailangan tuloy pumunta ni Rhaze sa Australia at manatili roon sa loob ng anim na buwan.

Noong uuwi na muli ang babae sa Pilipinas para ipaapruba ang kaniyang visa, pumunta muna silang magkasintahan sa Victor Harbor, kung saan inalok ni Daniel si Rhaze ng kasal.

Abril 2017 nang ikasal ang dalawa sa Adelaide Hills sa Australia.

"We take very good care of each other, we love each other, we listen to each other, we're very understanding [Inaalagaan namin ang isa't isa, nagmamahalan kami, nakikinig at maunawain kami sa isa't isa]," paglalarawan ni Daniel sa kanilang pagsasama ni Rhaze.

Handog nina Erik Santos at Toni Gonzaga ang kantang "Love Has Come My Way" para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.