PatrolPH

KILALANIN: Dating ice buko vendor, CEO na ng isang kompanya sa Guam

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 07:04 PM | Updated as of Nov 06 2018 08:21 PM

KILALANIN: Dating ice buko vendor, CEO na ng isang kompanya sa Guam 1
Bukod sa pagiging CEO ng PODER company, general manager din ng Marianas Energy Co. sa Guam ang dating ice buko vendor na si Rino Manzano na tubong CamSur. Screengrab

Kuwento ng "rags to riches" ang buhay ng isang Filipino-American sa Guam na nagsumikap upang maiahon ang sarili sa hirap. 

Ang tubong Nabua, Camarines Sur na si Rino Manzano ay isa na sa pinaka-in demand na lider sa power engineering at energy integrating designs. 

Bukod sa pagiging chief executive officer (CEO) ng PODER company, general manager din siya ng Marianas Energy Co. sa Guam.

Watch more on iWantTFC

Ang ilan sa mga nakamamanghang power plant designs na nagkakahalaga ng milyon-milyong dolyar ay dinidisenyo ng kompanya ni Manzano, at ilan sa kaniyang mga kliyente ay mula pa sa South Africa, South Korea, at ilang bansa sa South America at United Kingdom.

Pero di alam ng marami na lumaking mahirap si Manzano sa bayan ng Nabua, at dahil kapos ay minsan lang umano sila nakakakain ng lola niya ng kanin, asin, at langis bilang ulam.

Sa murang edad, siya ay naging kubrador at nagbebenta ng ice buko sa lansangan para makatulong sa kanyang lola.

Kalaunan, dahil sa pagtitiyaga sa pagbebenta ng memorial plans at pagiging waiter, natapos ni Manzano ang kolehiyo hanggang sa maging isang ganap na certified public accountant.

PANGINGIBANG-BANSA

Aniya, nagtrabaho siya noon bilang accountant sa Middle East sa pangangailangang kumita nang malaki, pero doon din niya nakuha ang kaniyang karanasan at kaalaaman ukol sa mga planta. 

"I got involved in the power business when I was working there because the company I was working for was a joint venture of a company and one of the sons of the king. What we do is we build power plants and other businesses," pagbabahagi niya. 

Payo ni Manzano sa mga kabataan, patuloy na maging matiyaga at 'wag susuko sa anumang unos, dahil wala sa kulay at size ang tagumpay sa buhay.

"I have worked with Enron and I'm the only one with brown skin and I'm the shortest guy... But I'm never scared, because if you know what you are doing, it doesn't matter if you are small, if you are brown, or whatsoever. You can do it," giit niya. —Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.