PatrolPH

TINGNAN: 'Kaluluwa' ng yumaong pulis, nasapul sa CCTV?

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 03:39 PM | Updated as of Oct 30 2018 05:12 PM

TINGNAN: 'Kaluluwa' ng yumaong pulis, nasapul sa CCTV? 1
Nakuhanan ng CCTV sa labas ng istasyon ng pulis sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija ang isang mistulang anino na pinaniniwalaang kaluluwa ng yumaong pulis.

Nakita noong Setyembre 10 sa CCTV footage ang isang mistulang anino na tila naglalakad sa harap ng isang police station sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija.

Nang mapanood ng balong si Beth Alvaro ang footage, tumindig ang kaniyang balahibo at kinabahan siya dahil naniniwala siyang ito raw ang kaluluwa ng kaniyang yumaong mister na si Ricardo, isang dating pulis.

"Habang pinapanood ko, kinukutuban po ako," sabi ni Beth sa panayam ng "Rated K."

"Kinilabutan po talaga ako, asawa ko na po iyon," dagdag niya.

HANGAD MAGING PULIS MULA PAGKABATA

Bata pa lang daw si Ricardo ay alam na raw nitong gusto niyang maging pulis.

Masinop daw ito sa trabaho at maalaga sa mga gamit, gaya ng baril, uniporme at minamanehong police mobile.

Dahil sa pagpupulis, naitaguyod ni Ricardo ang pamilya at napagtapos ng pag-aaral ang kaniyang apat na anak.

Nagretiro si Ricardo sa edad na 55 matapos ang dalawang dekada sa serbisyo. Kinumbinsi umano siya ng kaniyang pamilya na mamalagi na lang sa bahay dahil napagtapos na rin naman daw niya ang mga anak.

Nang matigil sa pagpupulis, tila nawalan na raw ng sigla si Ricardo. Bumagsak ang katawan niya at madalas daw ay naglagi na lang sa kuwarto.

Pero isang araw napalitan ng saya ang lungkot ni Ricardo nang mabalitaang pauwi na ang kaniyang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Kuwento ni Beth, ang mister pa ang nagluto ng kanilang ulam noong araw na iyon pero hindi rin ito nakakain dahil sumakit daw ang batok.

Natagpuan na lang ni Beth noong parehong araw — Oktubre 12, 2016 — ang katawan ni Ricardo na kulay biyoleta na ang hitsura.

Watch more on iWantTFC

'ANINO' SA CCTV, KALULUWA NI RICARDO?

Makalipas ang dalawang taon matapos mamatay, kumalat naman sa social media ang CCTV footage ng police station kung saan dating nakatalaga si Ricardo.

Sa video, mapapanood ang isang mistulang anino sa labas ng istasyon na tila nakatambay sa tapat ng police mobile hanggang sa kumilos ito papunta sa loob ng istasyon.

Naghinala si Beth na ang yumaong mister ang nakuhanan sa video, lalo at doon sa istasyon dating nakatalaga si Ricardo bilang police mobile driver.

"Mahal na mahal niya 'yong mobile patrol na iyon," ani Beth.

Kahit iyong mismong mga pulis sa istasyon ay nagtaka sa umano ay anino na na-record sa camera.

"Kala mo nga po tao talaga eh," sabi ni Police Officer 3 Michael Pineda. "Talagang lumalakad po siya, hugis tao po talaga."

Pero bago pa ang kuha sa CCTV, may ilang insidente na ng kababalaghang naranasan umano ang mga pulis sa istasyon.

"Kapag gabi, kapag naka-duty kami sa taas, para bang laging may nakatingin sa amin. Mapapansin mo bigla na lang may malamig na lalapit sa'yo," kuwento ni Police Officer 2 Jayson Lajom.

Kuwento naman Police Officer 1 Mark Faraon, na tatlong taon na sa istasyon, may isang beses na nasa kuwarto siya sa ikalawang palapag ng istasyon nang biglang umusod mag-isa ang upuang nakapuwesto malapit sa kaniya.

"Tiningnan ko po kung may taong tumutulak ng pinto para umusod 'yong upuan eh wala naman po," ani Faraon.

Maging si Beth ay nagkuwento na nagpaparamdam din sa kanilang bahay si Ricardo.

IMBESTIGASYON

Nag-ikot ang spirit questors at paranormal investigators na sina Nick Nañgit at Jericho Ibañez sa bahay ng mga Alvaro at sa istasyon ng pulis.

Posible raw na hindi pa nakatatawid ang kaluluwa ni Ricardo dahil hindi pa niya tanggap ang pagkamatay.

"The soul itself, puwedeng nandiyan pa rin 'yung energy niya o 'yong tinatawag nating consciousness niya, nandodoon pa rin, kalat nga lang," ani Ibañez matapos silipin ang bahay.

Ayon naman kay Nañgit, wala raw sa ikalawang palapag ng police station ang kaluluwa ni Alvaro pero may mga naiwan daw doong mga bakas ng alaala.

"Ang na-sense ko lang memory imprints kasi may mga naiiwang bakas kasi parang thumb mark 'yan," ani Nañgit.

"Hindi siya 'yong kaluluwa kundi iyong energy na naiwan noong namatay," dagdag ni Nañgit.

Nang puntahan daw ni Nañgit iyong mismong lugar na nahagip sa CCTV, tinanong daw nito kung si Ricardo ba ang nakuhanan ng video.

"Doon ko nakikita sa in front ng CCTV, nandoon siya... When I asked kung siya ba 'yong nandoon sa CCTV, the answer is also, 'yes,'" ani Nañgit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.