Demonyo sa sementeryo, multo sa dormitoryo: 12 nakakakilabot na kuwento mula sa "Magandang Gabi Bayan"

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 08:54 PM

Sa loob nang halos dalawang dekada, inaabangan ng mga Pilipino tuwing panahon ng Undas ang mga nakakakilabot na kuwentong tampok sa "Magandang Gabi Bayan."

Ating balikan ang ilan sa mga kagimbal-gimbal na kuwentong nagpakilabot sa mga tagasubaybay ng "MGB."

1. Demonyo sa sementeryo

Isang pamilya sa Malabon ang nagpalagay ng kakaibang rebulto sa ibabaw ng nitso: si Satanas na handang saksakin si San Miguel.

Sa kabila ng takot na dala nito sa mga residente sa lugar, paliwanag ng pamilya, simbolismo ito ng patuloy na paghahari ng kasamaan sa lipunan.

2. Multo sa dormitoryo

Mga kaluluwang nambubulabog, nananakot, at bumibisita sa kasarapan ng pagtulog. Ito ang ibinahagi ng ilang mga residenteng nakaranas ng pagpaparamdam sa isang dormitoryo sa Baguio City.

3. Lahing aswang

Isang negosyanteng taga-Maynila ang nagbahagi ng kaniyang karanasan sa isang bayan sa Palawan. Paniwala niya, aswang ang kaniyang tiyahin.

4. Campus horror sa University of the Philippines Los Baños

Isa ang University of the Philippines Los Baños sa mga lumang unibersidad sa bansa. Saksi ito sa mga madidilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa, lalo na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil dito, hindi na nakapagtataka ang mga kuwento ng kababalaghang ibinahagi ng mga estudyante at guro rito.

5. Bahay sa Tanay

Isang bahay sa Tanay ang umano'y pinamamahayan hindi lamang ng mga tao, ngunit maging ng mga kaluluwang ligaw.

6. Mga kaluluwang gala

Mga kaluluwang hindi matahimik ang nagpapakita at nagpaparamdam sa GSIS Village at La Mesa Dam sa Quezon City.

7. Campus horror: Faculty stories

Ilang mga propesor sa isang kilalang unibersidad sa Pilipinas ang nagbahagi ng kanilang mga nakakakilabot na karanasan.

8. Kababalaghan sa Aklan

Ilang mga residente sa Aklan ang nagsabing nakakita sila ng mga babaeng nakaputing palutang-lutang malapit sa kanilang mga bahay.

9. Sunog na tao sa University Theater

Isang sunog na tao umano ang nagpapakita sa theater ng isang malaking unibersidad sa bansa.

10. Mga kaluluwang ligaw sa Cabugao

Ibinahagi ng mga residente ng Cabugao ang iba't ibang kababalaghang kanilang naranasan sa kanilang bayan.

11. Pagsapit ng dilim sa Sinait

Bantog ang isang sementeryo sa bayan ng Sinait dahil sa mga kababalaghang naranasan ng mga residente rito.

12. Totoong aswang

Isang lalaking umano'y nagiging aswang ang nagbahagi ng kaniyang karanasan.