OPM icons tampok sa bagong commemorative stamps

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinasilip ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang mga bagong commemorative stamp na nagbibigay-pugay sa mga namayapang icon ng musikang Pinoy.

Kabilang sa mga bibigyan ng commemorative stamp ng PhilPost sina OPM icon Rico J. Puno, Pinoy rock icon Joey "Pepe" Smith, at Rene Garcia ng OPM band na Hotdog.

"Si Rene Garcia, siya ang nagpasimula ng Manila Sound, our own brand ng Pilipino music," ani Maxi Sta. Maria III, officer in charge sa Office of the Assistant Postmaster General.

"Through Pepe Smith, pinakilala niya talaga ang ating Pinoy rock," sabi naman ni Sta. Maria ukol kay Smith.

"'Yong musika niya, from the foreign sound, Western songs noon, tinranslate niya into Tagalog," ani Sta. Maria ukol kay Puno.

Pumanaw noong Setyembre 2018 si Garcia habang Oktubre 2018 naman namatay si Puno. Enero nitong taon nang bawian ng buhay si Smith.

Ibebenta ng P135 ang bawat souvenir sheet taglay ang 3 imahe ng OPM icons, na binusising gawin ng mga artist ng PhilPost.

Ilulunsad sa Nobyembre 10 ang mga selyo sa programang "ASAP Natin 'To," kasama ang mga pamilya ng icons.

Si Miss Universe Catriona Gray ang huling ginawan ng PhilPost ng commemorative stamp ngayong 2019.

Pinag-aaralan din ang paggawa ng selyo para sa mga namayapang sina Eddie Garcia, Tony Mabesa, at Amalia Fuentes.

Tiniyak din ng PhilPost ang paglabas ng commemorative stamps para sa darating na Southeast Games, na idaraos sa Pilipinas.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.