Kamatayan paano ipaliliwanag sa mga bata?

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 01:15 PM | Updated as of Oct 28 2019 01:24 PM

Normal na bahagi ng buhay ang mamatayan ng kakilala o kapamilya, pero paano nga ba maipapaliwanag sa murang edad ang konsepto ng kamatayan?

Mainam na ipaliwanag sa mga bata ang konsepto ng kamatayan nang direkta, na makikita sa pamamagitan ng mga ginagamit na salita, ayon sa isang eksperto.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Gawin natin ito na direkta kasi ayon sa researchers, mas nakakatulong na mas matanggap nila (mga bata) kung ano ang nangyari [kapag direkta] kaysa i-sugarcoat natin," ani Myles Tolentino, isang family life and child development specialist, sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Ang paggamit ng 'Your grandma died' or 'passed away,' talagang makakatulong na sabihin sa kanila nang direkta. Mas mapoproseso nila feelings nila," paliwanag niya.

Mayroon daw kasing mga taong sinu-sugarcoat o ginagamitan ng mga mabulaklak na salita ang pagpapaliwanag sa kamatayan. 

Isang halimbawa umano ng pag-sugarcoat ay ang pagsabi ng mga magulang sa bata na ang isang namatay ay natutulog lang.

Iba-iba rin ang maaaring maging reaksiyon ng bata sa kamatayan, ayon kay Tolentino.

"Puwede silang magalit, malungkot o puwede silang tumahimik lamang," aniya.

Mayroon din daw mga batang walang pakialam kapag sinabihan na namatay ang kaniyang kakilala dahil hindi pa raw nila lubusang nauunawaan ang kamatayan.

Ayon sa mga pag-aaral, sabi ni Tolentino, ang mga batang may edad 4 pababa ay wala pang konsepto ng "irreversibility" o iyong ideya na may mga bagay na hindi na naibabalik.

Para kay Tolentino, mainam din na gawing handa ang isang bata kapag mayroon siyang kakilala na malapit nang mamatay.

"Mas maganda na sabihin talaga," ani Tolentino.

"Mapi-prepare ng mga magulang dahil may time pa sila, kung paano mapoproseso 'yong mga bagay," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.