PatrolPH

Crew ng fastfood na nanlibre ng pagkain sa lolang kulang ang pera, hinangaan ng netizens

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 12:38 AM

CALAMBA CITY, Laguna—Hinangaan ng netizens ang dalawang crew ng isang fastfood chain sa lungsod na ito, dahil sa kabaitang ipinakita nila.

Umabot na sa mahigit 3,000 "shares" ang mga larawang in-upload ni Marold Anido sa Facebook, kung saan makikita ang pag-asikaso ng dalawang crew sa isang matandang customer.

 

Kinilala ng manager ng fastfood chain ang dalawang crew na sina Shyra Macasinag at Emmanuel Laquiña na nasa retrato.

Kuwento ni Macasinag, nag-abot sa kanila ng P20 ang matandang babae pero kulang ito para makabili ng pagkain kaya siya na lang ang nagbayad.

Pagkatapos kumain, inalalayan din niya ang lola para ligtas na makatawid ng kalsada.

“Wala naman akong inaasahan na magte-take ng picture, wala ganu'n. So parang inisip ko na lang na 'yun talaga, 'yung tulungan si lola," ani Macasinag.

Umani ng papuri sa pamunuan ng fastfood chain ang dalawang crew.

"Good deeds na po talaga nila," ayon sa manager na si Jay-R Leynes.

Nahanap ng ABS-CBN News ang lolang nasa larawan sa bahay ng apo nito sa Barangay Parian sa Calamba City.

Siya ang 85 anyos na si Angelita Reyes, o Lola Lits.

Ayon sa anak, madalas umalis ng bahay ang ina para sulyapan ang kanilang ancestral home sa Calamba Crossing na bahay ngayon ng kapatid niya.

Mula rito, naglalakad umano si Reyes, pero nabibigla na lang na maraming nagmamagandang loob sa kaniya.

Ang ibinibigay sa kaniya tulad ng mga gulay ay ibinabahagi rin sa iba.

“Nararamdaman ko, kapag ako'y namamahagi ako'y sinuswerte," ani Reyes.

Hindi naman umano pinababayaan ng 10 niyang anak si Lola Lits.

Binibigyan daw nila ito ng panggastos na pera pero nakakalimutan nito kung saan niya ito itinatabi.

“Kumain ata ako ewan ko ba kung saan ko ba malaman kung saan napalagay 'yung pera . . . 'yung laman na may fried chicken, marami, maraming pagkain na ibinibigay sa akin," kuwento ng matanda.

Nagpasalamat si Reyes sa kanila at iba pang nagmagandang loob sa kaniya sa araw-araw na paglalakad sa Crossing ng Calamba.

“Ang babait nila. Wala silang kasing bait. Lahat ata ng taong nasalubong ko ay walang kasing bait . . . kaya sabi ko, sana lahat ng tao'y ganito," aniya.

Balo na si Reyes at hiling niya sa Pasko na magkaunawaan na sila ng mga anak niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.