Ama sa Laguna gumawa ng improvised na bike para sa anak

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2020 04:54 PM

Si Anjo, 3 anyos, kasama ang improvised na bike na gawa ng kaniyang amang si Anton Mendoza Jr. nitong Oktubre 21, 2020. Larawan mula kay Anton Mendoza Jr.

MAYNILA — Nagawan ng paraan ni Anton Mendoza Jr. na tuparin ang pangakong bike sa anak na si Anjo, 3 anyos, kahit improvised lang ito. 

Kuwento ni Mendoza sa ABS-CBN News, ang improvised na bike ay gawa lamang sa mga retasong kahoy at gulong ng nasirang laruan na kaniyang ginawa sa loob lamang ng isang oras.

Aniya, matagal nang hinihiling ng anak na magkaroon ng sariling bike ngunit umaasa lamang sila, kasama ang kanyang 14 anyos na anak, sa asawang namamasukan bilang kasambahay at kumikita ng P6,000 kada buwan.

“Lagi nagpapabili ng bike ang anak ko, wala naman kaming pera kaya naisip [kong] gumawa na lang at dahil doon napasaya ko ang anak ko,” kuwento ni Mendoza sa ABS-CBN News nitong Biyernes.

Dagdag pa ng amang mula sa Sta. Maria, Laguna, hirap man siyang makahanap ng trabaho matapos maaksidente tatlong taon na ang nakalilipas, gagawin niya ang lahat mapasaya lang ang anak.

“S'yempre sa isang katulad ko na magulang masayang-masaya [ako] na sa maliit na bagay napasaya ko anak ko.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.