Perwisyo sa marami ang pagkakaroon ng allergy sa katawan, mapa-pagkain man ang dahilan nito o simpleng pagko-commute.
Pero ano nga ba ang iba pang sanhi ng allergy ng isang tao?
Ayon sa isang allergologist, sanhi raw ito ng pagkakaroon ng katawan ng isa pang antibody na nagkakaroon ng reaksiyon sa mga allergen mula sa paligid.
"Pag sinabi kasi nating allergy technically 'yung katawan nakaka-develop ang body ng antibody na anytime mae-encounter ang allergen, nagre-react," ani Dr. Caroline Aquino sa "Good Vibes" nitong Martes.
Ani Aquino, maaaring mamana ang allergy.
May ilan na sa pagkabata pa lamang nararanasan na ito habang mayroon ding mga nakakaranas ng allergy pagtanda kahit matagal nang na-expose ang katawan sa parehong allergen.
Payo ng doktor na uminom ng mga gamot tulad ng antihistamine kapag nakararanas na ng sintomas ng allergy tulad ng mga pantal sa katawan.
Kung tila malala ang allergic reaction, agad magtungo sa emergency room, ayon kay Aquino. Pero mas mainam umano ang pagkakaroon ng stock ng epinephrine, na ituturok sa hita ng pasyente.
Paliwanag kasi ng allergologist na tinatayang isang oras pa bago umepekto ang antihistamine sa katawan, kumpara sa ephenephrine na agad mararamdaman ang bisa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, tagalog news, allergy, Good Vibes, DZMM, Reseta ni Dok, alerhiya, antibodies