ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang para makaiwas sa 'bad marriage'

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 06:51 PM

Ika nga nila, "Ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na kapag napaso ay iluluwa," kaya mainam na kilalanin muna ang kasintahan bago pumasok sa pag-iisang-dibdib.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa programang "Sakto" ng DZMM ngayong Martes, ibinahagi ng marriage at family counselor na si Maribel Dionisio ang ilan sa mga dapat isaalang-alang para makaiwas sa hindi magandang pagsasama ng mag-asawa.

Una na rito ang "emotional maturity" ng mga taong papasok sa pag-aasawa.

"Ang ibig sabihin nitong emotional maturity, marunong tayong mag-adjust, makinig, magbigay, [at] tumanggap," paliwanag ni Dionisio.

Mahalaga rin umanong sa "emotional maturity" ang pagiging "flexible" o kakayahang umangkop sa pabago-bagong mga situwasyon.

"Kasi the only thing that marriage can guarantee you is change," ani Dionisio.

Sa edad 25 pataas nagiging "emotionally mature" ang isang tao kaya iyon ang wastong edad ng pagpapakasal, ayon kay Dionisio.

Normal, sabi ni Dionisio, sa mga mag-asawa ang mag-away pero dapat ay pinag-uusapan ito at hindi tinatago.

"Kasi ang ginagawa ng iba, lalo na 'pag immature, either sasabog or itinatago, nag-iipon ng galit," aniya.

Mahalaga rin daw sa mga mag-asawa ang may "similar core values."

"Compatible ba tayo? 'Yong ating pinahahalagahan ba sa buhay ay pareho? 'Yong ating mga pangarap, are we moving in the same direction?" ani Dionisio.

Kahit magkasintahan pa lang ang 2 tao, dapat umanong napag-uusapan kung tugma sila sa mga pinaniniwalaan at mga pangarap sa buhay.

May values o mga pinahahalagahan din daw na "negotiable" o puwedeng baguhin para sa kapareho pero mayroon ding mga hindi puwedeng baguhin o iyong mga "non-negotiable."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.