'Kulay ng kuko, may pahiwatig sa lagay ng kalusugan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 04:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaaring sintomas ng problema sa kalusugan ang kulay at itsura ng kuko, ayon sa isang dermatopathologist o eksperto sa mga sakit sa balat. 

Ayon kay Dr. Kara Melissa Torres ng Philippine Dermatological Society, posibleng may hindi magandang nangyayari sa katawan ng isang tao kaya nag-iiba ang kulay ng kuko nito.

"'Yong nails maaaring nagsasabi sa 'tin na there's something going on inside us pala," sabi ni Torres sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Isa sa mga inihalimbawa ni Torres ay ang mabagal na paglaki at paninilaw ng kuko, na aniya ay maaaring nagpapahiwatig ng problema sa baga.

"Sometimes kapag may systemic disease such as bronchial problems, nagkakaroon ng arrest 'yong growth ng nail so 'di ganoong kabilis. 'Yong nail matrix [na] gumagawa ng nails natin, 'di siya nagfa-function as well," ani Torres.

Kapag naman kulay bughaw ang kuko, o iyong tinatawag na cyanotic nails, nangangahulugan ito ng posibleng problema sa pag-ikot ng oxygen sa katawan.

"Again, that's the problem sa lungs natin o kaya 'pag mayroon tayong problem sa circulation," ani Torres.

"Kung 'yong blood vessels natin sa nails, they are constricted, hindi nagde-deliver ng proper oxygen sa nails, it can cause blue nails."

Kapag naman nangingitim ang kuko, karaniwang indikasyon ito ng trauma at pamumuo ng dugo.

Pero may mga pagkakataong ang pangingitim sa may bahagi ng kuko ay isa lang umanong uri ng mole o nunal.

Ayon pa kay Torres, ang mga puting linya sa may kuko mismo ay bunga ng microtrauma o iyong mga maliliit na trauma o injury sa kuko.

Ilan umano sa mga sanhi ng microtrauma ay may kinalaman sa trabaho, pag-manicure, o pagkagat ng kuko.

Ang pagkagat naman ng kuko, ani Torres, ay maaaring magdulot ng mga fungal disease.

Para naman sa mga may itim na linya sa kuko, puwede raw itong sintomas ng melanoma, isang uri ng kanser sa balat at kuko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.