PatrolPH

Viral: P10K birthday prank sa isang nanay

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 10:16 PM

Viral sa social media ang video ng birthday prank sa isang ina sa Tanay, Rizal.

Makikita sa video ang galit na si Amelia Dormiendo matapos lapitan ng isang delivery man. Sinabihan ito na may package siyang in-order na nagkakahalagang P10,000.

Sa sama ng loob, napalabas sa kaniyang tindahan si Nanay Amelia at pinagsisigawan ang delivery man na siyang kasabwat ng anak na nasa abroad.

Ayon kay Aldrian Humirang na siyang may-ari ng delivery service, natakot din sila sa naging rekasyon ni Nanay Amelia lalo't may edad na.

"Nung una po talaga natakot din ako kasi si Nanay, siyempre 'yun nga inaalalayan ko rin 'yung kundisyon ni nanay lalo kasi ako lang kasi 'yung kasabwat kumbaga medyo bata-bata pa rin 'yung apo so inaalalayan ko rin, natakot ako nung una, nung lalabas na siya ng tindahan na parang susugod na siya sa amin kasi kumbaga wala pa akong masyadong sinasabi dun sa prank nagsastart pa lang ako actually wala rin akong sinabi tungkol dun sa utang eh, sa kanya lang nanggaling eh yung parang dire-diretso siya," kuwento niya.

Kinalaunan nakumbinsi ng kaniyang asawa, apo at mga kapitbahay si Nanay Amelia na buksan ang compartment ng van.

Tumambad sa kanya ang mga damit at sapatos, at ang money bouquet na umabot sa P 70,000, para sa 70th birthday niya noong October 5.

Hindi makapaniwala si Nanay Amelia sa sorpresang handog ng anak na nasa Japan.

Bukod kay Nanay Amelia, nakatanggap rin ng regalo ang asawa niyang nakatakda ring magdiwang ng kaniyang kaarawan.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 2.6 milyon ang views ng video sa YouTube.

Watch more on iWantTFC

- ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.