PatrolPH

Bride sa Cebu, dumeretso sa vaccination site para sa 2nd dose kontra COVID-19

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 08:08 PM | Updated as of Oct 19 2021 08:47 PM

via Santa Fe Regional Health Unit
Larawan mula sa Santa Fe Regional Health Unit.

MAYNILA — Pagkatapos ng kaniyang kasal sa simbahan nitong Lunes, rumampa na agad sa vaccination site ang 25-anyos na bride na si Marlyn Carabio sa Santa Fe, Cebu para maturukan ng kaniyang ikalawang dose ng bakuna laban sa COVID-19.

Kwento ni Carabio sa ABS-CBN News ngayong Martes, wala na siyang panahon para magpalit pa ng damit matapos ang kaniyang kasal bandang alas-dose ng tanghali.

Aniya, pagkatapos ng seremonya sa simbahan ay dumeretso na sila ng kaniyang asawa sa vaccination site at dumating ng alas-dos ng hapon. 

“Kasi po, pagkatapos sa simbahan, gusto ko po matapos ma-vaccinate dahil po malayo po ang bahay namin sa vaccination area,” paliwanag ni Carabio.

“Dahil paglabas po ‘yan sa simbahan, hindi na ako nakapagpalit ng damit," dagdag pa niya.

Diin ng bride, masaya siyang fully vaccinated na siya kontra COVID-19. Aniya, bakunang gawa ng Pfizer ang kaniyang nakuha.

"Mas masaya ma-fully vaccinate kasi po malayo ang lugar namin, isla po. Masaya po, may naki-picture nga eh.” 

Sa Oktubre 26 naman ang ikalawang dose ng kaniyang asawa, dagdag pa niya. 

Sa huling tala, halos 24.5 milyon na ang fully vaccinated sa bansa. Target ng pamahalaan na mabakunahan nang kumpleto ang mahigit 77 milyon para magkaroon na umano ng herd immunity kontra COVID-19.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.