Gladys Reyes, nagbahagi ng sikreto ng matibay na relasyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 12:04 PM | Updated as of Oct 18 2017 12:33 PM

MANILA -- Ibinahagi ng mag-asawang Christopher Roxas at Gladys Reyes ang mga paraan kung paano nila napapanatiling matibay ang kanilang pagsasama.

Labintatlong taon nang mag-asawa ang dalawa matapos ang 11 taon bilang mag-nobyo at nobya.

Matatandaang nabuo ang pag-iibigan ng dalawa noong magkatrabaho sila sa seryeng "Mara Clara" kasama si Judy Ann Santos.

"Siguro unang-una nag-uusap kami. May pinagdaanan din kaming hindi magandang panahon pero ako ang pinanghahawakan mo diyan ang buhay namin ay hindi na para sa amin, kung hindi para sa mga bata. So bago mo isipin ang sarili ko, isipin mo muna ang mga bata," ani Christopher sa panayam nila sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles.

"Lumaki ako sa broken family. Alam ko ang gusto ng isang bata, gusto niya ay buo ang pamilya niya," dagdag ni Christopher.

Para naman kay Gladys, importanteng mapanatili ang "intimacy" sa relasyon.

"Kahit gaano kayo katagal mag-boyfriend, o kahit gaano kayo katagal mag-asawa, eh hinding-hindi dapat nawawala 'yung intimacy niyo. Kung walang time, hanapan dapat talaga ng time," ani Gladys.

Matapos ang ilang taong pagsasama, ibinahagi rin ni Christopher na mas maiiwasan ang pagtatalo kung hindi na papalakihin pa ang isang simpleng isyu.

"Natutunan ko dapat mabilis kang mag-move on. Let go agad para hindi mo na dinadala yung problema. Kapag may mga bagay na hindi kontrolado, eh huwag nang pansinin kasi hindi din kontrolado 'yon," ani Roxas.

Sa aspetong pinansiyal, sinabi ng dalawa na hindi dapat pagtalunan kung sino ang mas malaking kumita.

"Mas malaki suweldo niya sa akin, mas malaki pera niya sa akin pero hindi naman kami nag-asawa dahil doon eh. I mean kung ano ang sa kanya, sa akin din yon, so hindi isyu sa amin 'yon," ani Christopher.

"Ang sa akin naman ang point ko doon... nagbigay sa iyo si mister, kahit gaano kaliit pa 'yan, kahit mas maliit sa kinikita mo, ang point doon ay nagbigay ang asawa mo nang pinaghirapan niya," ani Gladys.

Naniniwala din ang dalawa na maliban sa pagbibigay suporta sa hilig ng isa't isa, mainam din na minsan ay magkaroon ang mag-asawa ng "me time" o oras para sa sarili.

"Kapag tumatanda ka na, maiisip mo ah kailangan ko pala ito, kasi doon ka mag-iisip, doon ka nagre-recharge," ani Christopher.

Sa Enero 23 sa susunod na taon ay ipagdiriwang ni Christopher at Gladys ang kanilang "25th year of togetherness."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.