PWD pedicab driver sa Cebu hinahangaan dahil sa pagsusumikap

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 06:21 PM

May karatula sa harap ng kaniyang pedicab na sinasabing siya'y person with disability. Screengrab

CORDOVA, Cebu — Hinahangaan ngayon ng netizens at taumbayan ang isang may kapansanan na pedicab driver dito dahil sa kaniyang pagsisikap para sa pamilya sa kabila ng kaniyang pagiging pipi.

Kakaiba si Eldifonso Cañete sa mga kasamahan niyang pedicab drivers dahil ipinanganak siya na hindi nakakapagsalita.

Pero dahil sa kagustuhang maitaguyod ang pamilya, patuloy siyang kumakayod sa pamamasada. May karatula sa harap ng kaniyang pedicab na sinasabing siya'y person with disability (PWD).

Ruta niya ang halos lahat ng lugar sa Cordova.

Para malaman ng kaniyang mga pasahero ang pamasahe, nakasulat ang lahat ng kaniyang mga destinasyon at ang presyo nito.

High school graduate si Cañete kaya marunong siyang magbasa at magsulat. Malaking tulong ito lalo na kung hindi sila nagkakaintindihan ng kaniyang mga pasahero.

Ayon sa kaniyang mga pasahero, mabait na driver si Cañete.

Saludo naman kay Cañete hindi lang ang kaniyang kapwa-drivers pati na rin ang traffic enforcers.

"Sa aking pagmamasid sa kaniya, hindi naman siya pilyo, kasi pag may mga nilalagay kaming mga batas sa kalsada, sinusunod naman niya," sabi ng enforcer na si Albert Fabio.
    
Suma-sideline lang sa pedicab si Cañete dahil isa siyang maintenance staff sa paaralan.
    
Inspirasyon niya ang kaniyang asawa at ang kaniyang anak.

Kapos man sa salita, napunan naman ito ni Cañete sa pamamagitan ng pagsisikap na maging inspirasyon sa kapwa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.