PANOORIN: James Yap dumiretso sa beach matapos ang kampanya sa PBA

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2021 12:36 AM

James Yap vlog
Mula sa vlog ni James Yap

“Welcome to the outside world.”

Ito ang pabirong hirit ng sikat na basketbolistang si James Yap matapos makalabas na mula sa bubble ng Philippine Basketball Association (PBA). 

Matapos ang kampanya sa 2021 Philippine Cup kung saan nagtapos ang kaniyang koponan na Rain or Shine Elasto Painters sa ika-anim na puwesto, sumaglit sa isang beach resort sa Subic ang manlalaro. 

Sa kaniyang vlog, ipinakita ni Yap sa kaniyang mga subscribers ang kaniyang overnight stay sa Zambales bago tuluyang bumalik sa Maynila. 

Bagamat maikling bakasyon lamang, sinulit ni Yap ang pananatili sa resort kung saan nag-ikot ito sa beach front habang umiinom ng beer. 

Nasa Metro Manila na ang basketbolista na ginulat ang publiko sa kaniyang paghahain ng certificate of candidacy sa lungsod ng San Juan para sa pagtakbo niya bilang konsehal.

Sa panayam sa ABS-CBN News, kinumpirma ni San Juan City Mayor Francis Zamora na kasama sa kaniyang tiket sa Yap.

“When he helped me in previous elections, nakita ko ‘yung enthusiasm niya to serve,” ani Zamora. 

Inspirasyon umano ang basketbolista para sa mga kabataan kaya makakatulong umano ito sa anti-drug campaign ng lungsod. 

Sinabi rin ni Yap na hindi pa siya magreretiro sa basketbol sa kabila ng pagtangkang pumasok sa pulitika. 

Kasama nitong tatakbo sa pagkakonsehal ang mga dati ring PBA players na sina Paul Artadi at Don Allado. 

"Nagpaalam ako sa PBA kung puwede ako tumakbo, sa management ng Rain or Shine. Sinabi naman nila, puwede," saad niya. "Ano raw plano ko, kung magre-retire na ba ako?"

"Ang sabi ko naman, pwede bang kung papalarin ako, habang councilor ako sa San Juan, pwede ba akong maglaro sa PBA? Ang sabi naman nila pwede raw," dagdag ni Yap.

"Siguro one more year sa PBA.”