Kamuning Bakery, namigay ng 70,000 pandesal sa ika-80th anibersayo nito

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 07:31 PM | Updated as of Oct 16 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Namigay ng 70,000 na pandesal ang sikat na Kamuning Bakery sa Quezon City para sa pasasalamat sa ika-80th anibersaryo ng nasabing panaderya.

Ito din umano ay selebrasyon ng "World Pandesal Day" na inilulunsad ng may-ari ng bakery na si Wilson Lee Flores.

Ayon kay Flores, gusto niya isabay sa pagdiriwang ng World Bread Day at World Food Day nitong Miyerkoles ang kaniyang nilikhang pista para sa tradisyonal na tinapay ng mga Pilipino.

"Gusto ko i-promote sa buong mundo 'yung pinagmamalaki nating humble pero nakakatuwa na tinapay natin sa Pilipinas," kwento ni Flores sa DZMM radio.

Tinayo ang panaderya noong 1939 sa tulong ng dating Pangulong Manuel L. Quezon. Ito din ang pinakamatandang bakery sa lungsod.

Bukod sa ordinaryo pero sikat nilang pandesal, kilala din ang kanilang ube pandesal at pan de suelo, o malaking bersyon ng pandesal.

Isa ang nasabing bakery sa mga natitirang panaderya na gumagamit pa rin ng pugon, o wood-fired brick oven, sa paggagawa ng tinapay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.