'ASAP TLC': Plus-size beauty queen, paano naibalik ang tiwala sa sarili?

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 05:04 PM | Updated as of Oct 14 2018 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa pagbago ng kaniyang pisikal na anyo, naging target ng mga pamimintas ng iba ang plus-size beauty queen na si May Ann Martinez, dahilan para mawalan aniya siya ng kumpiyansa sa sarili.

Ngunit sa kabila ng mga pagsubok na iyon, nanatili sa tabi niya ang kaniyang pinakamamahal na mister na si Gilbert, na ayon kay May Ann ay isa sa mga dahilan sa pagbalik ng kaniyang tiwala sa sarili.

Itinampok nitong Linggo sa segment na "TLC" ng programang "ASAP" ang kuwento ni May Ann ukol sa pagbabago ng kaniyang timbang at kung paano siya inalalayan ni Gilbert sa mga pinagdaanan.

Kuwento ni May Ann, na kinoronahang Bilbiling Mandaluyong noong nakaraang taon, timpalak para sa mga banda ang nilalahukan niya niya noon sa halip na plus-size pageants. Doon umano niya nakilala si Gilbert.

"Dati po, slim po talaga ako, sexy pa po ako dati," ani May Ann.

"Ang una ko talagang sinasalihan na mga contest is battle of the bands at doon ko po nakilala ang aking poging asawa."

Kalaunan ay nagbuntis si May Ann kay Gilbert. Matapos ipanganak ang kanilang sanggol, tumuloy sa pag-aaral si May Ann at nagsimula rin siyang gumamit ng contraceptives, o iyong mga gamot na nakapag-uudlot ng pagbubuntis, na naging dahilan naman daw ng kaniyang pagtaba.

Nagsimula namang mawalan si May Ann ng tiwala sa sarili nang tumaba dahil madalas daw punahin ng iba ang kaniyang timbang.

"'Pag sumasakay ako ng jeep, sabi sa 'kin ng driver na I have to pay for two kasi dalawa na daw 'yong nauupuan ko sa seat ng jeep," kuwento niya.

Pero naibalik ni May Ann ang kumpiyansa sa sarili sa tulong na rin ni Gilbert.

"I believe that Gilbert played a big part sa pag-regain ko ng aking confidence," ani May Ann.

"May time na sobrang nade-depress ako, sobrang down ko kasi feeling ko ang pangit-pangit ko na. Pero 'yong asawa ko, always niyang sinasabi sa akin, everyday, that you are beautiful."

Taong 2016, makalipas ang siyam na taong pagsasama, nagdesisyon sina May Ann at Gilbert na magpakasal.

Sa lahat ng kaniyang pinagdaanan, natutunan ni May Ann na ano man ang pisikal na anyo ng isang tao ay makahahanap pa rin ito ng taong magmamahal sa kaniya.

"Dati akala ko ang pagmamahal is nagbabase lang talaga sa pisikal na anyo ng isang tao. Since nakilala kita, naramdaman ko na hindi lang talaga sa pisikal nababase ang pagmamahal," mensahe niya sa mister.

"Sa mga plus-size na katulad ko, darating din 'yong magmamahal sa inyo ng totoo katulad ng asawa ko," dagdag ni May Ann.

Inalay nina Daryl Ong at Richard Poon ang awiting "Beautiful in My Eyes" para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.