Labis na paggamit ng gel, wax maaaring mauwi sa pagkapanot: derma

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 03:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi maiiwasan ng ilan na gumamit ng mga hair products tulad ng gel at wax para makipagsabayan sa mga nauusong hair style. 

Pero babala ng isang doktor, nakasasama sa anit at buhok ang labis na paggamit ng mga hair product gaya ng gel, hairspray, at pomada. 

Ayon sa dermatologist na si Dr. Pearl Weena Marie Sabido, maaaring magdulot ng allergic reaction sa katawan ang sangkap sa ilang produkto. 

Nakatutuyo din daw ito ng buhok, na maaaring humantong sa hair fall at kalaunan, pagkalagas at pagkapanot ng anit. 

"Mayroong nilalagay sa hair na may epekto yan: either allergy or irritation, lalo na pag masyadong nag-dry out o naging brittle 'yung hair. Because some hair products can be a little bit drying," ani Sabido sa programang "Salamat Dok." 

Payo ni Sabido, dapat iwasan ang hair products na may mga sumusunod na sangkap: 

  • Sodium laurel sulfate
  • Isopropyl alchohol
  • Propylene glycol
  • Polythelene glycon
  • Paraben 
  • Silicone
  • Petrolatum 

"These waxes, gels, and pomades, they most likely contain preservatives stabilizers, sometimes colorant. You can develop allergy on these ingredients," ani Sabido. 

Payo ni Sabido, dapat sumailalim sa patch testing para malaman kung nagdudulot ng allergic reactions ang mga gagamiting produkto sa anit. 

Hindi rin dapat aniya inaaraw-araw ang paggamit ng wax. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.