VIRAL: Guro inalagaan ang baby ng kaniyang estudyante para makapag-quiz

Joey Taguba, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 04:07 PM | Updated as of Oct 12 2019 11:11 PM

Imbes na hayaang umabsent, nagpresinta ang guro na alagaan ang sanggol ng kaniyang estudyante para lang makapag-quiz ito. Screengrab

BUTUAN CITY — Hindi inakala ng guro na si Clariz Jane Lasala na magiging viral at usap-usapan sa social media ang ginawa niyang kabutihan sa isa niyang estudyante.

Hinangaan kasi ng netizens ang ginawa niyang pagbabantay sa sanggol na anak ng kaniyang estudyante habang kumukuha ito ng pagsusulit.

Kuwento ni Lasala, na guro sa Saint Joseph Institute of Technology, personal na nagpaalam sa kaniya ang mag-aaral na hindi ito makakapasok dahil walang magbabantay sa kaniyang anak.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero imbes na hayaang umabsent, nagpresinta si Lasala na alagaan ang sanggol para lang makapag-quiz ang estudyante.

"Na-touch ako. Sabi ko ako magbantay sa iyong baby, just take the quiz," aniya sa panayam ng ABS-CBN News.

Pumalo na sa higit 10,000 retweets at 70,000 likes ang post ni Lasala kasama ang sanggol.

Proud naman kay Lasala ang kaniyang mga kasamahan sa eskuwelahan.

"Iyun ang the best, one of the attitudes of this teacher na service with a heart, gusto niya talaga na maka-help sa ina ng bata na still pumapasok pa rin," papuri ni Zita Duran, principal ng Saint Joseph Institute of Technology.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.