HAPPINEWS: Free hugs, tugon ng ilang estudyante vs bullying, depresyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang kakaiba ngunit simpleng kampanya ang isinusulong ngayon ng mga mag-aaral ng University of the East (UE) bilang pangontra sa bullying at depresyon: free hugs o libreng yakap.

"Masaya po! Masaya kami kasi sila lang nagha-hug sa amin! Hugot!" masayang kuwento ng 1st year psychology student na si Chloe Duyan.

Sabi ng kanilang guidance counseling office, nakatulong ang programa para mas maging kalmado ang mga estudyante at para rin maging bully-free environment ang naturang pamantasan. 

"Ten to 20 second hugs promote feelings of warmth, affection...Group hug siya," ani Mary Rachelle Batanes, isa sa mga guidance counselor.

Kuwento ng 4th year business management student na si Diego Rigor, naka-recover umano siya sa kaniyang siyam na taong depresyon sa tulong ng mga bagong kaibigan sa Bully-Free Life Advocates organization.

Naging introvert daw kasi siya dala ng pambu-bully ng ilan dahil sa kaniyang genetic speech disorder.

"It helped me in a way na I have friends talaga na andiyan palagi sa akin," ani Rigor.

"In our group we believe that intelligence is something but kindness is everything," ayon naman sa presidente ng grupong si KC Batanes. 

Giit ng UE guidance counseling office, mahalaga pa rin ang tamang gabay at kalinga mula sa pamilya.

"Ang pamilya kasi 'yan ang pinakapundasyon ng bawat isa. 'Pag may problema sa pamilya, magulang, nagsisimula na di sila (estudyante) makapagdesisyon nang tama sa kanilang buhay," ani UE guidance counseling office director Nila Urrea.

Kaya hangad ng UE, maiparamdam sa nga estudyante na may pamilya sila sa eskuwelahan.

—Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.