ALAMIN: Bakit marami ang tumataya sa lotto?

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 06:37 PM | Updated as of Oct 12 2018 09:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Lampas P1 bilyon na ang puwedeng mapanalunan sa UltraLotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office, na pinakamalaki sa kasaysayan ng lotto.

Huling tinamaan ang 6/58 noong Pebrero, at anim na buwan ang inabot para lumaki ang jackpot mula P50 milyon hanggang P400 milyon. Ngunit paano nga ba lumaki ang jackpot? 

Nitong Setyembre, dumami ang mga tumataya at dumoble ang jackpot sa loob ng isang buwan. 

Bukod sa malaking premyo, maaaring nauudyukan ng pagsipa ng inflation rate at ng bilang ng mga Pilipinong nagsasabing mahirap sila ang pagbabakasakali sa tsansang makuha ang jackpot prize at umahon sa kanilang estado, ayon kay ABS-CBN News data analytics team head Edson Guido ng ABS-CBN. 

“Kung tingnan natin ang estado ng buhay ngayon, ang hirap ng buhay, 'yun ang talagang driver nito. Kung tingan ang inflation, it's the highest in 10 years. Self-rated poverty, 'yung perception ng mga tao kung ga'no kahirap is also the highest in close to four years,” aniya. 

Ang inflation rate ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo. Nasa 6.7 porsiyento ito nitong Setyembre. Ito na ang pinakamataas sa loob ng halos isang dekada. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Si Rogelio Dapula, nasasayangan sa pagtaya dahil maaari pa ring makabili ng pagkain sa P24 na kada taya sa UltraLotto.

“Sayang naman 'yung itaya mo.. 'yung itaya mo na P24, ibili na lang ng tuyo, sardinas, ganyan para makakain… bigas naman, P24, kalahating kilo ganyan,” ani Dapula. 

Si Bobet Ferraris naman, naranasan nang tumama ng apat na numero, kaya patuloy siyang tumataya at nagbabakasakaling maka-jackpot. 

 “Talagang umasa rin ako, kasi 'yun na lang ang pagkakataon siguro na medyo maangat din ang buhay ko eh. Kasi 'yung kinikita namin sapat lang sa araw-araw so du'n na rin ako umasa,” ani Ferraris.

Pinagkakitaan naman ni Nestor Coronel ng Sariaya, Quezon ang mahabang pila sa lotto sa pangolekta ng karagdagang P6 sa kanyang mga kapitbahay bukod sa P24 kada taya para siya na ang pumila para sa mga ayaw magtiis sa mga mahahabang pila sa mga outlet.

Pero sa laki ng jackpot ng UltraLotto, ano ang mabibili rito? 

Kung makaltasan man ng P200 milyong tax, mabibili pa rin ang mga luho tulad ng rest houses, mga mamahaling gamit, first class na ticket sa biyaheng abroad, at marami pa, ayon sa financial adviser na si Argel Tiburcio. 

MGA MAAARING BILHIN SA P1 BILYON ULTRALOTTO JACKPOT: 

  • El Nido Island - P250 milyon 
  • Tagaytay Mansion - P150 milyon
  • Shopping (Mamahaling damit, relo, sapatos, bag) - P10 milyon
  • Roundtrip to Paris (1st Class airfare) - P1.6 milyon 
  • Yacht - P30 milyon
  • Submarine- P45 milyon
  • Mamahaling kotse -P30 milyon
  • Pagpapaprangkisa ng fast food - P30 milyon 
  • Penthouse condo - P100 milyon
  • Miscellaneous - P155 milyon

Pero aniya, dapat kumausap muna ng financial planner o adviser at unahin ang ilang obligasyon tulad ng utang. Maaari ring magtayo ng negosyo para mapalago pa ang pera.

“Unang-una kailangan kumausap ng professional financial planner or financial adviser… magbayad ng utang... mag-invest o mag-put up ng negosyo na alam natin na gamay natin… maganda rin na isang bahagi nu'n ibibigay natin pabalik, puwede ito sa simbahan natin or mga charity na paborito natin," aniya. 

Payo naman ni Florante Solmerin ng PCSO na tingnan kung tama ang nailagay na bilang at petsa para hindi magkaproblema kung sakaling tumama sa mga numero nito. 

"Responsibilidad natin na pag bumili tayo ng ticket, tama 'yung nai-punch na nilagay natin na number na 6 numbers. Pangalawa 'yung date. Kaya 'yung kine-claim nila ngayon na ibang ticket ay hindi na kapani-paniwala yun," aniya. 

Malalaman ang resulta ng lotto alas-9 nitong gabi ng Biyernes, Oktubre 12. 

-- Ulat nina Warren De Guzman at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.