Dinarayo ngayon ang isang tindahan sa Cainta, Rizal na nag-aalok ng mga laruang puwedeng ipangregalo at hindi masakit sa bulsa.
Setyembre pa lang, naghahanda na umano ang mga tauhan ng Happynette Toys and Ride on Cars sa inaasahang pagdagsa ng mga ninong at ninang, at mga magulang na naghahanap ng panregalo sa darating na Pasko.
Mura ang bilihin dahil bodega price ang benta at may discount pa ang karamihan sa mga produkto.
Kung nasa P100 hanggang P500, suwak ang mga manyika, microphone toy at nail art.
Kung P500 hanggang P1,000 naman ang budget, makakabili na ng mga laruang cash register at rice cooker, drum set, at lookout playset.
Naglalaro naman sa P1,000 hanggang P2,000 ang kitchen set, musical instruments, doll house, at supermarket trolley.
Mayroon ding interactive kitchen set na nagkakahalagang P2,500, electric motorcycle na P5,800, at electric car na P15,000.
Ayon sa may-ari ng tindahan na si Marienette Alma, hindi sila magtataas ng presyo para manatiling abot-kaya at mas maraming bata ang mapasaya ngayong Pasko.
"Gusto ko kasi lalong mas madaming batang masasaya, lalo na ngayong panahon ng pandemya, maibigay pa rin ng mga magulang ang ikasisiya ng mga bata," ani Alma.
Pinapaalalahanan ang mga nais pumunta sa tindahan na sumunod sa health protocols gaya ng pagsuot ng face mask at pagpapanatili ng physical distancing.
— Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.